CHOPPER BUMAGSAK: 1 PATAY, 2 SUGATAN

QUEZON PRO­VINCE- PATAY ang isang tauhan ng Phi­lippine National Police habang dalawang pang police officers ang nilalapatan ng lunas sa PNP Medical center sa Camp Crame matapos na bumagsak ang sinasakyan nilang chopper kahapon ng umaga sa bayan ng Real sa nasabing lalawigan.

Sa inilabas na pahayag ng PNP, nawalan ng kontak ang H125 Airbus helicopter ilang oras matapos lumipad mula Manila Domestic Airport sa Pasay City bandang alas-6:17 ng umaga kahapon.

Sakay nito ang tatlong police crew na nasa isang administrative mission patungong Northern Quezon province.

Napag alaman na bandang alas-8:05 ng umaga nang marating ng mga pulis, local government at Bureau of Fire Protection rescue team ang crash site sa Barangay Pandan sa Real at mabilis na inilikas ang mga biktima.

Base sa paunang pagsisiyasat, sinasabing maulan sa lugar ng Real nang maganap ang pag-crash ng chopper.

At bilang bahagi ng precautionary measures, pansamantalang grounded muna ang ang buong fleet ng H125 Airbus Police helicopters habang patuloy na sinisiyasat ang sanhi ng pagbagsak ng nasabing chopper na kabilang sa mga bagong biling air asset ng PNP mula European multinational company Airbus.

Matatandaan, noong 2020 ay isang Bell 429 chopper na sinasakyan ni dating PNP Chief Archie Gamboa ang bumagsak din sa Laguna na ikinasugat ng anim na sakay nito habang isang pulis ang nasawi.
VERLIN RUIZ/ ARMAN CAMBE