CHOPPER BUMAGSAK, CHIEF PNP GAMBOA, 7 PA SUGATAN

Gamboa

LAGUNA- NAKALIGTAS sa kapahamakan si Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa makaraang bumagsak ang sinasakyan nitong 8-seater Bell 429 chopper kahapon sa Brgy. San Antonio, San Pedro.

Bukod kay Gamboa, sugatan din si PNP Public Information Office Chief, BGen. Bernard Banac na maayos na rin ang lagay na nasa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City kasama si Gamboa.

Kasama rin sa mga nasugatan sina PMGen. Mariel Magaway ng Director for Intelligence; PMGen. Jose Maria de Ramos, Director for Comptroller-ship; PLt. Col. Zalatar, Pilot, Co-Pilot na si PLt. Col. Macawili, PSMS Estona, crew at aide de camp, at  PCapt. Gayrama.

Una nang dumalo sa idinaos na presentation of accomplishments ng PNP-Highway Patrol Group (HPG4A) sa Impounding area sa lugar sina Gamboa dakong alas-7:00 ng umaga.

Makaraan ang okas­yon ay paalis na sina Gamboa at nag-take off na ang chopper pasado alas-8:00 ng umaga patungo ng Camp Vicente Lim sa Lungsod ng Calamba para dumalo naman sa idaraos na press conference nang sumabit ang hulihang bahagi ng chopper sa live wire nang maging zero visible ang lugar bunsod ng maalikabok na lugar dahil sa pag-andar ng engine ng chopper.

Nagpaikot-ikot aniya ito sa itaas hanggang sa tuluyang bumagsak sa mismong gitna ng kalsada mahigit 100 metro lamang ang layo nito sa Impounding Area.

Mabilis na rumes­ponde sa lugar ang pulisya, kagawad ng HPG,  pamatay sunog at nakatalagang Rescue Team sa lungsod kung saan magkakasunod na isinugod ang mga ito sa West Lake Medical Hospital at South Woods Hospital para malapatan ng agarang lunas ang mga sugat na tinamo ng mga ito sa kanilang ulo at katawan.

2 SA MGA BIKTIMA KRITIKAL

Samantala, sinabi ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration, na nasa kritikal na kondisyon sina Magaway at Ramos.

Ang dalawa ay unang dinala sa Unihealth Southwoods Hospital at Medical Center sa Biñan, Laguna.

Gayunman, inilipat si Magaway sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa, subalit nananatiling unconscious ito.

Sinabi ni Elvis Bedia, president ng Unihealth,  na matinding sugat ang sinapit ni Ramos gaya ng iba’t ibang fracture sa bungo at mukha.

Aniya, naalog nang husto ang utak ni Ramos kaya kinailangang ope­rahan at salinan ng dugo.

PRAYER VIGIL SA CRAME

Pasado alas-9 ng umaga ay inatasan ni Cascolan si BGen. Hawthorne Binag, ang Chief of Directorial Staff na magsagawa ng prayer vigil sa Saint Joseph Church para sa full recovery ng tatlong biktima.

Maging si Directorate for Police Community Relations Director at acting spokesperson Major Gen. Benigno Durana ay nanawagan din sa publiko na ipagdasal ang tuluyang pagga­ling ni Gamboa lalo na nina Magaway at Ramos na nananatiling unconscious.

GAMBOA NAGPAHIWATIG NA OKAY NA SIYA

Sa posted photo ni dating PNP Chief at ngayon ay Senator Ro­nald dela Rosa na kabilang sa u­nang dumalaw kay Gamboa, naka-thumbs up ang huli na nangangahulugan na maayos na ito habang ipinagbilin na asikasu­hing mabuti ang kaniyang kasamahan.

Sinabi rin ni Cascolan na kaniya na ring nakausap si Gamboa na nanga­ngahulugang stable na ang lagay nito. DICK GARAY

Comments are closed.