PAMPANGA-PATAY ang isang piloto habang dalawa aircraft mechanics ang sugatan sa bumagsak na helicopter sa Clark Freeport Zone sa Mabalacat sa lalawigang ito.
Batay sa ulat, kinilala ang nasawing piloto na si Diosdado Lumandan habang ang mga sugatan ay sina Ivan Abiong at Rodney Esogon.
Sa imbestigasyon ng Clark Development Corporations public safety, sumailalim sa pagkukumpuni ang 1973 model MD369HS helicopter at nang paliparin ni Lumandan ito ay bumagsak sa Nabcor area bandang alas-10:45 kamakalawa ng umaga.
Agad na itinakbo sa pagamutan ang mga sugatang biktima habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.
Sinasabing nakakuha pa ng test flight bandang alas-10:30 ng umaga kamakalawa mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang helicopter na pinalipad ni Lumandan, 60-anyos nang magkaroon ito ng technical problem dahilan para ito bumagsak. VERLIN RUIZ