MULING pamumunuan ni Gilas Pilipinas Men program director Chot Reyes ang coaching staff ng national basketball team sa 2022 FIBA Asia Cup sa susunod na linggo, ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Magsisilbing isa sa assistant coaches ni Reyes si Serbian coach Nenad Vucinic, na opisyal na sumalang sa kanyang Gilas coaching debut sa first round games ng 2023 FIBA Basketball World Cup qualifiers.
Si Vucinic ay sasamahan nina veteran mentor Jong Uichico at Sandro Soriano sa sidelines.
Ang reappointment ni Reyes bilang Gilas head coach ay sa kabila ng mga pagbatikos na kanyang tinanggap matapos ang silver finish ng national team sa 31st Southeast Asian Games noong Mayo. Ang performance na ito ng nationals ang tumapos sa tatlong dekadang dominasyon ng mga Pinoy cager sa rehiyon.
Ang Gilas kasama ng New Zealand, India, at Lebanon sa Group D ng 2022 FIBA Asia Cup na gaganapin sa July 12-24 sa Jakarta, Indonesia.