CHOT REYES PBAPC COACH OF THE YEAR

NAGING makasaysayan ang pagbabalik ni Chot Reyes sa pagko-coach sa PBA.

Si Reyes ay pararangalan ng PBA Press Corps bilang Coach of the Year para sa Season 46 at tatanggapin ang kanyang ika-6 na Virgilio ‘Baby’ Dalupan trophy sa traditional Awards Night nito ngayong Martes sa Novotel Manila Araneta Center.

Tinalo ni Reyes, 58, si Barangay Ginebra counterpart Tim Cone para sa coveted award kasunod ng kanyang matagumpay na pagbabalik sa coaching sa Asia’s first ever play-for-pay league matapos ang halos isang dekadang pagkawala upang igiya ang TNT Tropang Giga sa Philippine Cup championship.

Ang ika-6 na Coach of the Year award ni Reyes ang pinakamarami sa kasaysayan ng PBAPC, subalit ang una niya magmula nang magwagi noong 2011.

Ito rin ang ikatlong pagkakataon na nakopo niya ang award habang ginagabayan ang telecommunication franchise, kung saan ikalawang coach pa lamang siya na nanalo ng tatlong beses sa parehong koponan matapos ni Leo Austria ng San Miguel Beer.

Pangungunahan ni Reyes ang 14 iba pang awardees na kikilalalanin ng mga regular na nagko-cover sa PBA beat sa two-hour affair na iho-host nina veteran sportscaster Sev Sarmenta at dating courtside reporter at ngayo’y news anchor Rizza Diaz.

Si re-elected Bulakan, Bulacan mayor at dating MVP Vergel Meneses ang magiging guest of honor sa programa na magsisimula sa alas-7 ng gabi.

Tatanggapin naman ni Barangay Ginebra governor Alfrancis Chua ang Danny Floro Executive of the Year, habang pararangalan din sina NorthPort forward Arwind Santos bilang Defensive Player of the Year, June Mar Fajardo bilang Bogs Adornado Comeback Player of the Year, at Meralco’s Allein Maliksi bilang Mr. Quality Minutes.

Ang iba pang awardees ay sina TNT’s Mikey Williams (Scoring Champion), Terrafirma’s Joshua Munzon, NorthPort’s Jamie Malonzo, Calvin Oftana ng NLEX, Williams, at Rain or Shine’s Leonard Santillan (All-Rookie Team), ang quartet nina Williams, Magnolia’s Ian Sangalang, Robert Bolick ng NorthPort, at Matthew Wright ng Phoenix, (Order of Merit) at ang mga opisyal ng San Miguel at NorthPort (Game of the Season).

Imbitado si PBA chairman Ricky Vargas at ang league Board, kasama si commissioner Willie Marcial sa unang face-to-face awards night ng PBAPC magmula noong 2019.

– CLYDE MARIANO