CHOT, TIM BINUHAY ANG COACHING RIVALRY

MULING magsasalpukan sina Tim Cone at Chot Reyes.

Ang dalawang pinakamahusay na coach sa kasaysayan ng PBA ay muling magsasagupa sa sidelines makaraang maisaayos ng Barangay Ginebra at TNT ang best-of-seven duel para sa Governors’ Cup championship.

Nakatakda ang Game 1 ng finals sa Linggo sa Ynares Center sa Antipolo, kung saan ito ang unang paghaharap sa pagitan nina Cone at Reyes sa isang title series magmula noong 2012 Commissioner’s Cup.

Si Cone ay nasa Purefoods franchise pa noon at ginabayan ang noo’y B-Meg Llamados (ngayon ay Magnolia Hotshots) sa championship makaraang ibasura si Reyes at ang Talk ‘N Text sa classic Game 7 na nauwi sa overtime, 90-84, makaraang itabla ni import Denzel Bowles ang laro sa pagtatapos ng regulation sa likod ng dalawang pressure-packed free throws.

Sa kanilang head-to-head encounter sa PBA finals, sina Cone at Reyes ay 3-3.

Umaasa si Cone na mabasag ang pagtatabla sa muli nilang paghaharap ng kanyang kaibigan at dating chief deputy noong magkasama pa sila sa Alaska.

“We are really just happy that we are back in and going to pit against my good friend coach Chot again,” sabi ng Barangay Ginebra mentor.

“There’s always been that rivalry between Ginebra and TNT. Looking forward to mixing it up with my buddy.”

Inihatid ni Cone ang Kings sa championship round makaraang tapusin ang San Miguel Beermen sa Game 6 ng kanilang semifinals series, 102-99.

Samantala, si Reyes at ang Tropang Giga ang unang umabante sa finals sa likod ng 113-95 panalo kontra Rain or Shine Elasto Painters sa Game 5 ng kanilang sariling semis series.
CLYDE MARIANO