PAREHONG mag-iimbestiga ang Commission on Human Rights (CHR) at Philippine National Police (PNP) sa naganap na pananambang sa convoy ni FDA Head Nela Charade Puno matapos na akuin ito ng New People’s Army (NPA) kung saan tatlong pulis ang nasawi at tatlong iba pa ang sugatan.
Matapos ang pag-amin ng NPA sa pananambang ay inihayag ng CHR na ang naganap na ambush ay labag sa International Humanitarian Law.
Dagdag pa ng CHR, ang nasabing pag-atake ay isang manipestasyon ng paglala ng ‘culture of killing’ kung saan maging miyembro ng kapulisan ay napapahamak.
Una nang pinulong ni PNP Chief, DG Oscar Albayalde ang mga opisyal ng pulisya para agad imbestigahan ang nangyaring pag-atake.
Nabanggit din ni Albayalde na maaaring may nag-leak kung saan daraan ang convoy ni Puno kaya inabangan ang mga ito ng mga rebelde.
Ayon kay Albayalde, nais niyang matukoy ang posibleng security lapses na insidente na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong pulis at pagkakasugat ng tatlong iba pa.
Kasama rin sa closed door meeting sina Bicol Region police director Chief Supt. Arnel Escobal at Camarines Sur Police OIC SSupt. Reynaldo Pawid.
Matapos ang apat na oras na pulong ay nagtungo si Albayalde sa Multi Purpose Hall ng Provincial Police Headquarters para makiramay sa mga naulila ng tatlong pulis.
Ginawaran niya ng Medalya ng Kadakilaan ang tatlong nasawing pulis na sina SPO1 Percival Rafael, PO3 Carlito Navarroza at PO1 Ralph Jason Vida. VERLIN RUIZ
Comments are closed.