MALAKING eksena ang pagbabati ng multi-awarded director na si Jun Lana at ang dati niyang talent na si Christian Bables sa announcement ng walong napili para sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) ng Film Development Council of the Philippines sa Sequoa Hotel, Quezon City last Monday.
Bago naganap ang kanilang pagbabati ay nakorner namin si Direk Jun sa kanyang table pagkatapos ng Q and A sa presscon ng Pista ng Pelikulang Pilipino. Usap-usapan na kasi ang dedmahan nila ni Christian nu’ng una silang magkita sa loob ng venue.
Itinanggi ni Direk Jun na nag-isnaban sila ni Christian. And if ever magbatian sila, feeling ni Direk Jun ‘di raw ‘yun ang tamang venue para mag-usap sila ni Christian and definitely, he’s not going to be the one to reach-out.
“So, why would I reach-out and at the same time, this is not the venue for us to talk kasi feeling ko magiging insincere kung dito siya makikipag-usap sa akin dahil kung kailan may promo saka kayo mag-uusap. Kasi may iba namang pagkakataon para mag-usap kami, hindi rito,” esplika ni Direk Jun.
Nagkataon na sabay umakyat ng stage si Direk Jun at Christian. Pero hindi sila nagpansinan. Si Direk Jun ang direktor at pro-ducer ng “Ang Babaeng Allergic sa WIFI” habang isa si Christian sa mga artista ni Direk Chito Rono sa pelikula niyang “Signal Rock.”
Parehong kasali sa PPP ang “Signal Rock” at “Ang Babaeng Allergic sa WIFI.” Ipalalabas ang walong pelikulang kasali sa PPP sa lahat ng sinehan nationwide simula sa Agosto 15 hanggang 21.
“Hindi naman magde-dedmahan na lang kami. Wala lang sigurong opportunity,” lahad ni Direk Jun habang sa likuran namin ay papalapit si Christian sa aming kinauupuan.
“Tinatanong pa lang niya ako,” sabi ni Direk Jun pagkatapos siyang lapitan at magtama ang kanilang mga mata ni Christian.
Pagkatapos ay nagpaalam si Christian sa amin, “Puwede ko po ba’ng mahiram si Direk (Jun)?”
Sumunod noon ay hinawakan ni Christian ang kamay ni Direk Jun sabay luhod niya sa harapan ng dati niyang mentor sa The IdeaFirst Company Inc.
Umiyak si Christian habang inaalo at itinayo ni Direk Jun ang aktor na nakaagaw ng atensiyon lalo na ng media sa loob ng venue. Kaya nagpunta na lamang sa isang sulok ng Sequoia Hotel sina Direk Jun at Christian para doon mag-usap.
Ilang sandali pa ay bumalik na sa kanyang lamesa si Direk Jun at doon ay muli namin siyang nakausap.
“Okey naman, kasi siya na ‘yung lumapit. So, at least, tapos na. Gaya ng sinabi ko kanina, nakapag-move on na kami, e. Dapat hindi na ‘yan isyu. Lumang isyu na ‘yan, matagal na.”
Closure’ na ba ‘to, tanong namin kay Direk Jun.
“Yes, para maka-move on na tayong lahat. Oo, okey na ‘yun.”
May nagsabi kay Direk Jun na nahihiya raw kasing lumapit sa kanya si Christian nu’ng una.
“Yes, at saka sabi ko nga kanina, hindi kasi ito ang venue para mag-usap kami. Pero okey na rin nakapag-usap kami.
Nakapag-usap na rin kami. Pero at least, in private, hindi in front of the press, kasi ayokong magmukhang ginagamit namin ‘yung issues para pag-usapan kami at saka ‘yung mga pelikula namin. ‘Yun lang naman ang hinihintay ko. Hindi talaga ako magri-reach-out ‘no,” sabay tawa niya.
Dugtong pa niya, “I really appreciate the gesture So, at last, tapos na, sarado na.
Nagsabi lang kami ng ano, huwag na nating pag-usapan kung ano ‘yung nangyari sa atin dati. Let’s move on. Pareho kaming may pelikula rito sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP). So, mas maganda mag-good vibes ‘di ba? `Kaya maging masaya tayo, and I’m happy for him na may pelikula ulit siya, because matagal na, e. In fact, dapat noon pa siya nasundan ng movie ‘di ba?”
Posible raw na magkatrabaho ulit sila ni Christian. Maliit lang daw ang industriya.
“Ah, I wish him the best. I heard na napakaganda ng movie niya. And, dalawa kami ni Perci (Intalan, partner niya sa The IdeaFirst Company, Inc.) sa mga unang manonood ng pelikula niya dahil unang-una, idol ko si Chito Rono, ‘no? Alam ko na maganda ang pelikula niya at naririnig ko na napakaganda raw talaga. So, excited kami and I wish him well,” sey pa niya.
Comments are closed.