ANO ANG puwedeng gawin sa ating 13th month pay o Christmas bonus? Saan ba ito mainam na ilaan?
Ang 13th month pay ay utos ng batas na dapat ibigay ng mga employer sa kanilang mga empleyado bago mag-December 24. Ang Christmas bonus ay nagmumula sa generosity ng management sa mga empleyado kapag maganda ang takbo ng negosyo. Ang 13th month pay ay ibinibigay para may pondo ang mga manggagawa sa panahon ng Pasko. Kung ikaw ay ordinaryong Filipino, malamang na gagamitin mo ang 13th month pay o bonus mo para mayroon kang masaya at maluhong Pasko, mayroon kang pangregalo sa mga anak at inaanak. Malamang na gusto ninyong kumain ng masasarap na Noche Buena at Media Noche para hindi naman maging kaawa-awa ang pamilya ninyo sa araw ng Pasko at Bagong Taon.
Dahil mahaba ang bakasyon kapag Kapaskuhan, binibigyan kayo ng opisina ninyo at ng gobyerno ng pera para sa bakasyon. Okay rin naman ito para maligaya ang pamilya sa katapusan ng taon.
Subalit sa aking palagay, kung ikaw ay talagang wise, dapat ay may pagtitipid pa rin at pag-iipon na gagawin. Naniniwala po ako sa turo ng Bibliya na hindi tayo dapat gumaya sa lahat ng ginagawa ng karamihan ng tao sa mundo. Dapat ay hindi mo gagastusin ang lahat-lahat ng iyong 13th month pay at bonus para sa mga luho. Dapat tratuhin mo ang malaking bahagi nito – hindi kukulangin sa 10% – para sa pag-iipon. Ang ipon ay para sa mga emergency at mga malalaking gastusin na maaaring dumating sa ating kinabukasan. Ano ang mga malalaking gastusin? Kasama rito ang tuition ng mga bata, bayad sa bahay at lupa, bayad sa mga utang, atbp. Puwede mo itong ilagay sa mga matatalinong puhunan tulad ng Time Deposit, Managed Fund, Trust Fund, Insurance with savings, atbp.
May inaalok ngayon ang maraming bangko at insurance companies na Insurance with Investments. Puwede rin nating gamitin ang ilang bahagi ng ating bonus sa paggawa ng ‘acts of righteousness’, pagtulong at pagbibigay sa mga kapwa na nangangailangan.
Ang payo ko sa maraming tao – huwag kayong gumaya sa mga maluho at magastos na uri ng pamumuhay ng ilang tao na umuubos ng kanilang 13th month pay at bonus para gastusin sa Kapaskuhan. Maging matalino kayo sa pagpaplano at paggamit ng inyong pera. Unang-una sa lahat ay magpasalamat kayo sa Diyos dahil sa pagtanggap niyo ng 13th month pay o bonus. Maging mabuting empleyado kayo sa inyong opisina. Maging masipag at mapaglingkod kayo sa inyong kompanya, para sa susunod na taon, mas malaki pa ang bonus na ibibigay sa inyo.
Maki-celebrate kayo ng Pasko bilang pag-alaala sa pagsilang ng Tagapagligtas na si Jesus, subalit kontrolin pa rin ang gastos. Huwag ubusin ang bonus sa mga gastusing pamasko. Huwag maging masyadong mabongga, mayabang, o maluho sa Pasko mo. Kung maaari, gastusin ninyo lang ang 50-90% ng bonus sa pagdiriwang ng Pasko. Ang malaking bahagi na aabot sa 10-50% ay ipunin ninyo sana bilang paghahanda sa mga ‘di inaasahan at malalaking regular na gastusin sa susunod na taon, o kaya ay para sa wise investments para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng inyong kaperahan.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.