CHRISTMAS DAY FLOODING: 13 PATAY, 23 NAWAWALA

PINANGANGAMBAHANG lolobo pa ang bilang ng naitalang nasawi sa Christmas Day flooding na umaabot na sa 13 katao dahil may 23 pa ang sinasabing nawawala sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction Management Council kahapon ng umaga.

Sa datos na inilabas ng NDRRMC, ang nasabing 13 casualties ay may body count na ay isinailalim pa sa validation dahil kulang ng papeles.

Sa datos na ibinahagi ni OCD information officer Diego Mariano, pito sa mga nasawi ay mula sa Northern Mindanao, tatlo sa Bicol Region, dalawa sa Eastern Visayas, at isa sa Zamboanga Peninsula,
“Karamihan po dito is drowning dulot ng flash floods,” aniya.

Ayon pa Kay Mariano, bukod sa naitalang 23 nawawala ay may anim naman ang inulat na nasugatan sa kasagsagan ng malawakang pagbaha sa bahagi ng Mindanao at Visayan region bunsod ng Amihan at nararanasang shear line.

Labing Dalawa sa mga nawawala ay mula sa Eastern Visayas na karamihan ang mga mangingisda.

Samantala, nasa 44,282 pamilya o 166,357 katao mula Mimaropa, Regions, 5, 8, 9,10 at Bangsamoro ang naapektuhan ng naganap na flash flooding kung saan kailangan ilikas sa kanilang mga tahanan ang may 10,356.

Sa inisyal na ulat, aabot na sa P60 milyon ang tinatayang pinsala sa agrikultura kaya patuloy na binabantayan ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga kaganapan sa mga apektadong lugar kung saan may mga lugar ng nagdeklara na under state of calamity. VERLIN RUIZ