CHRISTMAS FRIENDSHIP SWIMFEST AARANGKADA NA

Ateneo Swimming

ITATAMPOK ang exhibition matches sa water polo, fin swimming at mystery relays sa gaganaping 1st Congress of Philippine Aquatics, Inc- Samahang Manlalangoy sa Pilipinas Christmas Friendship Swimfest ngayong Sabado (Dec. 10) sa Teofilo Yldefonso Swim Pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Naglalaro ang mga miyembro ng national training pool sa water polo at fin swimming sa isang friendly game sa espesyal na palabas sa final tournament ngayong taon ng COPA sa pamumuno ni Olympian at Batangas 1st District Congressman Eric Buhain.

Binigyang-diin ng SMP president at COPA Board member na si Chito Rivera na ang event ay naging posible sa pamamagitan ng pagtatambalan ng dalawang swimming group sa pagsisikap na mas mapahusay pa ang talento at kakayahan ng mga Filipino swimmer sa grassroots level.

“Ito ay magkasanib na pagsisikap ng COPA at SMP para sa 2022. Sa susunod na taon, asahan ang mas marami at mas malaking paligsahan sa paglulunsad ng ating programa sa buong bansa para sa grassroots program,” ani Rivera, ang varsity coach din ng Jose Rizal College sa NCAA.

Binigyang-diin ni Rivera na si Cong. Buhain ang nagdala ng ideya na isama ang water polo at fin swimming sa programa upang makatulong na muling ipakilala ang dalawang aquatics sports sa bagong henerasyon ng kabataan dahil pareho silang napabayaan sa loob ng maraming taon.

“During our meeting, napag-usapan namin na wala na yatang nakakakila sa water polo at fin swimming dahil hindi masyadong nabigyan ng ayuda the past years. Ang totoo niyan, itong dalawang sports ay puwedeng maging alternative sports ng ating mga swimmers after their career.

“Kailangan lang mabigyan ito ng pansin at ito ang aming misyon kaya ipapanood natin sa mga bata anglaro para maintindihan nila at magustuhan din nila,” sabi ni Rivera.

Ang mystery relay ay katulad sa tradition relay na may twist.

“Dito ‘yung magkakalabang team puwedeng gamitin na panimula ‘yung gusto nilang strokes. Halimbawa sa lane 1, freestyle ang first swimmer, sa lane 2 “yung kalaban niya breastroke muna,” dagdag ni Rivera.

Sa event proper, lahat ay nakatutok kay Nicola Diamante na nangibabaw sa kanyang age class sa bawat COPA tournament ngayong taon. Nakaipon na ng 20 gintong medalya ang 11-anyos na Grade 5 honor student ng Augustinian Abbey School sa Las Pinas.

Gayundin, sinabi ni Rivera na ipinagpatuloy ng COPA ang suporta nito sa mga mahihirap na estudyante ng pampublikong paaralan at mga batang may espesyal na pangangailangan sa pamamagitan ng pagwagayway ng entry fee.

EDWIN ROLLON