CHRISTMAS PARTY BAWAL

CHRISTMAS PARTY

HINILING ng Metro Manila Council (MMC) sa mga pribadong kompanya na ipagpaliban muna ang pagdaraos ng Christmas party dahil sa banta ng COVID-19.

Subalit, hinihikayat naman ng 17 mayors sa Metro Manila ang mga pribadong kumpanya na magsagawa na lang isang Christmas raffle, pag-bibigay ng bonus at isang online meeting upang maipagdiwang ang Kapaskuhan.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, kahit na hindi hilingin ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila ay talagang ipinagbabawal ang pagdadaos ng Christmas party.

“Ini-encourage natin ang private sector na wala na ring Christmas party kasi dito po talaga magsisimula ang transmission ng virus dahil nga may mass gathe­ring,” diin ni Garcia.

Iginiit pa ni Garcia, ang importante ay hindi na bumalik sa dati ang taas ng kaso COVID-19 sa bansa.

“Maganda po ‘yung numero natin . Ang hirap naman na papayagan natin lahat ng mass ga­thering na ganyan, pagdating January balik na naman sa MECQ,” dagdag pa nito.

Nauna nang inirekomenda ng MMC na palawigin ang general community quarantine (GCQ)  sa Metro Manila hangang katapusan ng Disyembre upang patuloy na bumaba ang kaso ng COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.