INIREKOMENDA ng isang dating opisyal ng medical group sa publiko na kung maaari ay isagawa ang mga pagtitipon o Christmas parties sa mga open spaces upang maiwasan ang panganib ng pagkalat ng COVID-19.
Ito ang sinabi ni dating Philippine Medical Association president Dr. Benito Atienza sa isang public briefing nang tanungin ang kanyang rekomendasyon at payo kaugnay sa papalapit na Kapaskuhan upang hindi maging super spreader.
Si Atienza ay Vice President III din ng Philippine Federation of Professional Association na nagsasabing ang mga party ay dapat nasa open air para libre ang pagdaloy ng hangin.
Aniya, kailangan din ay indibidwal nang ibibigay ang pagkain dahil marami tinamaan ng COVID dahil sa buffet.
Umapela rin ito sa pamunuan ng hotels at iba pang venues na hikayatin ang kanilang guest na magsuot palagi ng face mask at aalisin lamang kapag sila ay kakain.
Bukod dito, dapat may distansya ang seating arrangement.
Mabuti rin aniya na huwag nang isama pa ang mga batang 4 na taong gulang pababa dahil wala pang mga bakuna.
Payo rin ni Atienza, ihinay-hinay ang pagpunta sa mga malls at matataong lugar na kasama ang mga bata dahil wala pa silang mga bakuna.
Nitong Martes, sinabi ng DOH na posibleng makapagtala lamang ng mababa pa sa 429 kaso kada araw ngayong Disyembre kung magpapatuloy ang publiko sa pagsunod sa minimum public health standards.
Sa pinakahuling datos kahapon, mayroon lamang 801 bagong aktibong kaso ng COVID-19 ang naitala na mas mababa sa mahigit 1,000 mga kaso sa loob ng limang araw na magkasunod.
Sa ngayon nasa 18,250 na ang total active caseload sa bansa. PAUL ROLDAN