CHRISTMAS PARTY PINAPUTUKAN, 2 MAYORS SUGATAN

BINABANTAYAN ngayon sa intensive are unit ang isang alkade ng Misamis Occidental habang isang dating alkade ang nilalapatan din ng lunas matapos na pa­putukan ng hindi pa nakikilalang suspek ang masayang christmas party ng isang local political party kahapon ng mada­ling araw.

Hanggang kahapon ay hinihintay na magkamalay si Mayor Michael Gutierrez ng bayan ng Lopez Jaena matapos sumailalim sa isang operasyon sanhi ng tama ng punglo sa gilid ng kanyang ulo sa isang pagamutan sa Ozamiz City.

Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat kasalukuyang nasa isang pagtitipon ang biktima sa Barangay 7, Tangub City, Miyerkules ng gabi nang biglang umalingaw­ngaw ang isang putok pasado hatinggabi.

Bukod kay Gutierrez ay nahagip din ng splinter sa batok ang dating alkalde ng Oroquieta City na si Mayor Jason Almonte.

Ayon sa Tangub City Police Office, nagdiriwang ng kanilang Christmas party ang grupo ng mga politiko ng Misamis Occidental na kaalyado ni 2nd District Representative Congressman Henry Oaminal na Team Asenso ng PDP Laban.

Sinasabing habang nagpapalitan ng kanilang mga Christmas message ang mga politiko na nasa pagdiriwang ay bigla uma­lingawngaw ang putok ng baril.

Unang tumama ang bala sa metal frame ng pinto bago nahagip ang dalawang biktima.

Sa Facebook post ni Ozamiz City Ma­yor Sancho Fernando Oaminal, sinabi nito na ligtas silang nakauwi ng kaniyang ama na Si Congressman Henry Oaminal Sr. at kapatid na si Atty. Henry Jr. na tumatakbong mayor ng Ozamiz City.

Tumatakbong vice governor ng probinsiya si Mayor Gutierrez, running-mate ni Congressman Oaminal habang congressman ng first district naman ang tinatakbuhan ni Almonte.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Ta­ngub City Police para sa agarang pagkakahuli sa gunman. VERLIN RUIZ