CHRISTMAS THRILLER (Reaves bayani ng Lakers vs Warriors )

NAG-DRIVE si Austin Reaves para sa go-ahead layup, isang segundo ang nalalabi, upang selyuhan ang triple-double, nagdagdag si LeBron James sa kanyang Christmas Day lore ng 31 points at nalusutan ng Los Angeles Lakers ang injury ni Anthony Davis upang maungusan ang Golden State Warriors, 115-113, Miyerkoles ng gabi sa San Francisco.

Sa kabila ng pagkawala ni Davis dahil sa twisted left ankle sa eighth minute ng laro, nahawakan ng Lakers ang bentahe sa halos buong huling tatlong quarters tungo sa ika-4 na panalo sa limang laro.

Ang kalamangan ay 109-100 nang pasahan ni James si Max Christie para sa basket, may 1:30 ang natitira, bago halos mag-isang mang-agaw ng eksena si Stephen Curry.

Matapos ang dunk ni Jonathan Kuminga at ang 3-pointer ni Dennis Schroder na naglapit sa Warriors, isinalpak ni Curry ang isang layup bago ipinasok ang pares ng improbable 3-pointers sa huling 12.2 seconds, kabilang ang game-tying 31-footer sa huling 7.6 segundo.

Pagkatapos ay tinangka ng Lakers na mag-inbound kay James, subalit pinili si Reaves nang i-double team ng Warriors ang Los Angeles star. Hindi nag-alinlangan si Reaves at dire-diretsong nag-drive para sa layup na nagresulta sa game-winning points.

Ang all-time leading scorer sa NBA Christmas games, naipasok ni James ang 12 sa kanyang 22 tira at naitala ang game-high-tying 10 assists at 2 steals.

Pinunan ni Reaves ang pagkawala ni Davis, nagsalpak ng apat na 3-pointers tungo sa 26 points na nagdagdag sa team-high 10 rebounds at 10 assists. Ang triple-double ay ikatlo sa kanyang career, at una ngayong season.

Nag-ambag si Rui Hachimura ng 18 points, umiskor si Christie ng 16 at nagdagdag si Dalton Knecht ng 13 para sa Lakers, na nasa Christmas menu ng NBA sa ika-26 sunod na season.

Namayani si Curry sa kanyang scoring duel kay James, kumamada ng game-high 38 points, kabilang ang walong 3-pointers, na napantayan ang NBA record para sa isang Christmas game.

Sinuportahan ni Andrew Wiggins si Curry na may 21 points para sa Warriors, na natalo sa ika-5 pagkakataon sa kanilang huling anim na laro. Nakumpleto niya ang double-double na may game-high 12 rebounds.

Tumapos si Kuminga na may 14 points, habang nagdagdag sina Schroder at Trayce Jackson-Davis ng tig-11 para sa Golden State. Kumalawit si Draymond Green ng 10 rebounds na sinamahan ng 6 assists, 4 blocks, at 3 points.

Suns 110, Nuggets 100
Umiskor sina Kevin Durant at Bradley Beal ng tig-27 points at naiganti ng Phoenix Suns ang one-sided loss sa Denver Nuggets kamakailan.

Nagdagdag si Tyus Jones ng 17 points sa 7-of-9 shooting at gumawa si Monte Morris ng 11 mula sa bench para sa Suns, na pinutol ang three-game losing streak. Nakakolekta si Jusuf Nurkic ng 13 rebounds na sinamahan ng 8 points at 6 assists, nagtala si Durant ng 6 assists at gumawa si Beal ng 4 steals para sa Phoenix sa Christmas night affair.

Nakalikom si Nikola Jokic ng 25 points at 15 rebounds at nagdagdag si Michael Porter Jr. ng 22 points para sa Denver na natalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa nakalipas na pitong laro.