HINDI nga naman lahat ng estudyante ay may sapat na pera para pambili ng regalo ngayong paparating ng Pasko. Kaya’t maraming estudyante marahil ang namomroblema kung papaano makapagbibigay ng regalo ngayong Pasko at maging ang mga gagastusin sa gagawing Christmas party.
Kagaya rin ng mga opisina at magkakapamilya, nagtitipon-tipon o nagpa-party rin ang mga magkakaklase kapag Pasko. Kasabay siyempre ng party ang pagkakaroon o pag-iisip ng mga ihahanda at ang ibibigay na regalo sa kanilang monita o monito. Hindi nga naman kasi nawawala ang exchange gift sa tuwing Pasko lalo na sa mga paaralan at opisina.
At upang hindi na magastusan ng malaki o makatipid ang mga estudyante, narito ang ilang tips na puwedeng subukan:
MAGING FASHIONISTA GAMIT ANG LUMANG DAMIT
Nakasanayan na ng ilang kabataan o maging mga empleyado na bumibili ng bagong damit kapag holiday. Gusto nga naman nilang bago ang suot nila kapag may pagdiriwang.
Pero hindi naman kailangang bago ang isusuot sa Christmas party. Kahit luma basta’t maayos ay puwedeng masuot.
Maaari rin namang maging kakaiba o maganda ang lumang outfit dahil maraming paraan an puwede nating gawin.
Halimbawa, masyadong plain ang t-shirt mo o dress, para maging kakaiba at makulay ay maaari mo itong lagyan ng logo o kung anumang design na gusto mo.
Marami ngayong nabibiling logo o kaya naman design na swak lang sa budget. Ilan sa mga design na puwedeng pagpilian ay ang bulaklak at butterfly. Puwede mo itong idikit o kaya naman itahi sa damit o dress.
Maaari ring gumamit ng studs sa pagde-design ng lumang damit.
Kung gusto mo namang maging kakaiba at mukhang bago ang iyong short na luma, isa namang paraan na maaari mong subukan ay ang paglalagay ng lace sa laylayan nito.
MAG-ISIP NG REGALONG KAPAKI-PAKINABANG
Dahil hindi nga naman nawawala ang exchange gift sa mga pagtitipon, isa naman sa kailangan mong isipin sa pagbili ay kung mapakikinabangan ba ito.
Para rin maging fair sa lahat, nagbibigay ng presyo ang eskuwelahan o opisina kung magkano dapat ang presyo ng kanilang ireregalo.
Para na rin walang tampuhan lalo na kapag mas mura ang natanggap ng isa. Kung may nakalaang presyo, walang lugi kumbaga.
Sa pagbili naman ng regalo, para hindi ito masayang ay isaisip kung mapakikinabangan ba ito ng iyong monita o monito.
Ilan sa magandang ipanregalo ang libro, diary o notebook at ballpen. Puwede rin naman ang damit at pouch.
Sa pagbibigay ng regalo, hindi lang dapat natin iniisip na mayroon tayong naibigay kundi kung magugustuhan at mapakikinabangan ba ito ng ating pagbibigyan.
Mas masarap din kasi sa pakiramdam iyong natuwa ang nakatanggap at nakikita nating ginagamit niya ito.
GUMAWA NG KAKAIBANG REGALO
Isa pa sa option para makapagbigay ng magandang regalo ay ang paggawa ng sariling regalo na kapaki- pakinabang at maganda.
Usong-uso na nga naman ang do-it-yourself (DIY) sa panahon ngayon kaya’t puwedeng-puwede mo itong subukan.
Ilan sa mga puwede mong gawin ang mini greeting card, bookmarks o paintings. Puwede ka rin namang mag-bake ng cookies o muffin.
Isa rin ang DIY sa paraan para makatipid ka ngayong Pasko. At higit sa lahat, kung ikaw mismo ang gumawa ng regalo mo, mas maa-appreciate ito ng iyong pagbibigyan. Iba nga naman kasi ang pinaghihirapan dahil laging may kasamang pagmamahal.
MAG-RECYCLE NG REGALO
Hindi rin naman masama ang mag-recycle ng regalo. Kung may mga regalo ka nga namang natanggap noong nakaraang taon at hindi mo naman nagagamit o ginagamit, puwede mo rin itong ipamigay.
Kaysa nga naman nakatambak lang, bakit hindi mo na lang ipamigay nang mapakinabangan ng iba.
Maganda rin itong paraan para hindi ka na gumastos sa panregalo, at nabawasan pa ang kalat ninyo sa bahay.
HINDI MAHALAGA KUNG BRANDED ANG REGALO
Marami sa atin ang nahihilig sa branded na regalo. Pero sa totoo lang, hindi ang brand ang mahalaga kundi ang bukal sa pusong pagbibigay nito sa atin.
Huwag nating husgahan ang isang regalo batay sa brand o presyo kundi ang kusang loob na pagbibigay na may kalakip na pagmamahal.
MAGLUTO KAYSA SA KUMAIN SA LABAS
Hindi rin maiiwasan ng magkakaklase na magkayayaang kumain sa labas o mag-bonding. Isa naman sa magandang gawin para hindi gumastos ng malaki ay ang pagluluto na lang sa bahay. Puwede naman kasing magtulong-tulong sa pagluluto ang magkakabarkada para may mapagsaluhan.
Kung gusto namang manood ng movie, puwede ring sa isa na lang sa bahay ng kaibigan o kaklase at doon mag-movie marathon.
Maraming tipid-tips na maaaring gawin ang mga estudyante ngayong holiday. At dahil hindi naman lahat ay may ekstrang pera o maraming pera para sa natatanging okasyon, importanteng nagtitipid tayo at nag-iisip ng mga paraan para makapagtipid.
Tandaan din na hindi importante kung mahal ang regalong ating ibibigay—sa kaklase man iyan, kaibigan, katrabaho o kapamilya. Dahil ang mahalaga ay bukal sa loob mo itong ibinibigay.
Comments are closed.