CHRISTMAS TREE COOKIES

CHRISTMAS TREE COOKIES

(ni KAT MONDRES)

PAPALAPIT na ng papalapit ang Pasko. Ang iba sa atin ay nakahanda na ang mga listahan sa kung ano ang lulutuin at ihahanda sa natatanging espesyal. Hindi nga naman puwedeng mawala ang kainan kapag Pasko.

Ang Araw ng Pasko ay isa sa mga pinakamahalagang araw para sa mga Katoliko. Ito ay ang araw na kung saan ipinanganak si Hesu Kristo.

Sa natatanging okasyong ito ay pagmamahalan ang sumasakop sa buong mundo. Katumbas ng pagmamahalan ay pagbibigayan. Sa Araw ng Pasko mayroong mga Christmas Party, salo-salo, at pagbibigayan ng mga regalo.

Sa bawat pagsasalo-salo ay masasarap na pagkain ang bumibida sa hapag-kainan. Iba’t ibang menu ng pamilya ang natitikman samahan mo pa ng mga masasa­yang kuwentuhan ng bawat isa.

Bawat nga naman pamilya ay may kanya-kanyang estratehiya kung papaano nila gawing Merry ang kanilang Christmas. Ito rin ay pinararamdam sa pamamagitan ng pagluluto ng mga pagkaing kakaiba at puno ng pagmamahal.

Pero ano-ano ba ang mga pagkaing patok ngayong Pasko? Malamang ay marami sa inyo ang nag-iisip kung anong putahe o dessert ang ihahanda na magugustuhan hindi lamang ng pamilya kundi maging ng mga dadalong bisita.

Nalalapit na ang pasko. Mayroon ka na bang naiisip ta lutuin para sa buong pamilya? Kung wala pa, isa sa mainam gawin ang Christmas Tree Cookies.

Isa nga naman ang cookies sa paboritong-paborito ng kahit na sino—bata man o matanda. Madali lamang itong lutuin, masarap at puwede mong lagyan ng iba’t ibang dekorasyon upang maging kaakit-­akit sa paningin at panlasa ng kahit na sino. Kaya sa mga excited diyan, gumawa nang Christmas Tree Cookies.

CHRISTMAS TREE COOKIES

Ang mga kakaila­nganing sangkap sa paggawa ng Christmas Tree Cookies ay ang sumusunod:

1 1/2 cups confectioners’ sugar

1 baso ng pinalambot na butter

1 itlog

1 kutsarita ng vanilla extract

1/2 kutsarita ng almond extract

2 1/2 baso ng all-purpose flour

1 kutsarita ng baking soda

1 kutsarita ng tartar cream

Paraan ng Pagluluto:

Ihanda na muna ang lahat ng mga kakaila­nganing sangkap. Pagkatapos ay haluin ang confectioners’ sugar, butter o margarine, itlog, vanilla, at almond extract.

Idagdag at ihalo ito sa harina, baking soda, at cream of tartar. Takpan at ilagay sa ref sa loob ng dalawang oras. Hayaan lamang ito na lumamig at agad ihanda ang oven, painitin ito ng 375 degrees F (190 degrees C).

Hatiin ang dough sa dalawa. Sa isang floured cloth-covered board, pagulungin ang hinating dough hanggang sa ito ay maging 3/16 pulgadang kakapal. Ihulma ito sa gusto mong hugis na pampasko o Christmas shapes.

Puwede na itong i-bake sa isang parchment lined baking sheets sa loob ng 7 hanggang 8 minuto. Hayaan itong lumamig at pagkatapos ay puwede na itong gawan ng disenyo na naaayon sa gusto mo.

Ang Christmas Tree Cookies ay puwede na ring gawing panregalo sa mga kapamilya lalo na sa mga bata. Madali lang gawin at nakaaaliw pang tingnan ang mga disenyong sarili mong gawa. Ito rin ay puwede ibenta kung nag-iisip ka ng dagdag kita ngayong holiday. Swak na swak sa bulsa ng lahat at puwede rin nilang ipanregalo.

Kaya naman, gawing merry ang Pasko at nakabubusog. Gumawa na ng Christmas Tree Cookies at lagyan ng iba’t ibang disenyo. (photos mula sa pillsburry.com, lmld.org)

Comments are closed.