Sabi nila, talagang iba ang Pinoy. Kahit saan mapunta, kinikilala. Pinatunayan iyo ni Christopher Vila, matapos niyang iwan ang napakagandang trabaho sa Pilipinas kung saan siya ang “boss” para lamang maging simpleng dairy farmer sa New Zealand. Pero hindi niya pinagsisisihan ang kanyang ginawa. Kasi naman, His hard work paid off matapos siyang makatanggap ng papuri bilang Dairy Farmer of the Year noong 2021.
Siya ang kauna-unahang Pinoy na nakapag-uwi ng nasabing award. Malaking bagay ito dahil kinikilala ang award na ito na isa sa pinakamalaking parangal sa dairy industry sa buong mundo. Kaakibat ng parangal ay mga regalo at premyong umabot sa NZ$22,000 (o PHP740,000), na karamihan ay mga tools at products para sa dairy farming.
Ayon naman kay Christopher, malaking bagay din sa kanya ang award na ito dahil ito ang bunga ng 13 taon niyang pagsisikap. Siya ngayon ang farm manager sa JA BE Turnwald Family Trust, isang family farm sa Ohaupo sa Waikato district, New Zealand. Siya ang kauna-unahang “outside manager” sa nasabing family farm, dahil dati, mga miyembro lamang ng pamilya ang namamahala dito.
Hindi siya nagsimulang manager agad. Naging farm assistant muna siya, na unti unting tumaas makalipas ang labintatlong taon. Dati siyang veterinarian at manager sa Pilipinas, kaya kung tutuusin, napakababa ng posisyong ito para sa kanya, ngunit hindi niya ikinahiya ang pagiging dairy farmer sa New Zealand.
Nagdesisyon siyang magtrabaho sa New Zealand noong 2008 nang bisitahin niya ang kanyang kapatid. Naghanap siya ng trabaho at iniwan ni Christopher ang posisyon bilang licensed veterinarian at area manager para sa isang multinational company ng feeds products sa Pilipinas. Of course, nanibago siya noong una dahil kung dati ay siya ang “boss,” sa New Zealand, isa lamang siyang ordinaryong trabahador na gumagawa ng mabibigat na trabaho sa dairy farm.
Bukod pa dito, nakakasakit ng ego lalo na kung nasisigawan siya dahil kung tutuusin nga naman ay isa siyang lisensyadong beterinaryo na mahusay sa kanyang propesyon. Pero tiniis niya ang lahat dahil mas Malaki ang sweldo sa New Zealand kahit pa isa lamang siyang dairy farmer dito, kumpara sa pagiging boss niya sa Pilipinas.
Bilang farm assistant, in-charge siya sa pag-aalaga ng may 1,200 na baka. Pinag-aralan niya ang paraan ng dairy farming ng mga tagaroon, at ini-apply din niya ang kanyang kaalaman bilang veterinarian. Inaral niya mula sa pag-aalaga ng baka hanggang sa paggagatas at pag-aalaga sa mga anak ng mga ito ng walang pagod kaya inaabot sila ng hatinggabi kapag may mga bakang nanganganak. Tinitiyak muna niyang ligtas ang ina at mga bagong-silang na hayop bago siya matulog.
Marami siyang pinagtrabahuhang dairy farm bago siya natanggap na manager sa JA Be Turnwald Family Trust. Walong taon na siya ngayong nagtatrabaho dito, at isa sila sa pinakamalaking supplier sa isang kilalang dairy cooperative.
Noong una ay nagdalawang isip siyang magtrabaho sa New Zealand dahil nga maganda ang kanyang posisyon sa Pilipinas. Ngunit para sa kapakanan ng kanyang pamilya, tiniis niyang magpakababa. Sa ngayon ay kasama na niya sa New Zealand ang kanyang asawa at anak.
Mataas ang cost of living sa NZ ngunit napakarami namang benefits. Bukod sa free medical services para sa mga batang under 14 years old, paid parental leave ng kalahating taon, at libreng edukasyon para sa batang mula five hanggang 19 years old sa mga public schools, at marami pang ibang benepisyo. Kaya naman nakakapag-ipon sila para sa kanilang retirement.
Bilang farm manager, libre ang housing para sa kanyang pamilya. At ang mga napanalunan niyang prize bilang Dairy Manager of the Year, magagamit niya ito sa sharemilking. Sa sharemilking, ang isang trabahador ay may pagkakataong simulan ang pag-aalaga ng mga sarili niyang baka sa teritorya ng kanyang employer.
Para kay Christopher, kung nais nating magtagumpay bilang immigrant worker sa New Zealand o kahit saan pa man, sipag at tiyaga lamang ang kailangan. Kailangan din umanong maging masaya ka sa ginagawa mo, dahil kung hindi mo gusto ang trabaho mo, mababakas iyon sa iyong performance.