DINAIG ni Southeast Asian Games record holder Xiandi Chua ang kapwa beteranong SEAG champion na si Chloe Isleta sa isang kapana-panabik na tunggalian sa Individual Medley sa Philippine Aquatics, Inc. (PAI) National Trials 25-meter (short course) nitong Martes sa Teofilo Yldefonso Swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
Inangkin ng 23-anyos na senior sa De La Salle ang girls 200 IM sa tiyempong 2:16.22 laban sa kapwa National at schoolmate na si Isleta (2:16.35) sa torneo na batayan sa pagpili ng mga miyembro ng Philippine Team na nakatakdang lumahok sa World Aquatics World Series ngayong taon.
“It’s too close, but I’m happy with my swim. It’s still a work in progress, especially in my underwater technique. Hopefully, I have more months to train, go back in Melbourne before the competition,” sabi ng Melbourne Swim Club-trained na si Chua, naitala ang bagong SEAG record sa 200-m backstroke (2:13.20) noong nakalipas na SEAG sa Cambodia.
Ang World Series ay binubuo ng kompetisyon sa Oktubre 18-20 (Serye 1) sa Shanghai, China; Serye 2 sa Oktubre 24-26 sa Incheon, South Korea; at Series 3 sa Okt. 31 hanggang Nob. 2 sa Singapore. Ang serye ay magtatapos sa Championships sa Disyembre 10-15 sa Budapest, Hungary.
Ang World Junior Championships (2022) semifinalist na si Micaela Jasmine Mojdeh ay nagtapos sa ikatlo sa oras na 2:23.25. Ang 18-anyos na Grade 12 sa Brent International ay nakakuha na ng slot sa Philippine Team para sa SEA Age Group Championship sa Bangkok, Thailand sa Disyembre 6-10 matapos maitala ang dalawang SEA Age Qualifying Time Standard (QTS) sa ginanap na 50-meter long course trials noong Linggo.
Nakabawi si Isleta, lumalangoy sa ilalim ng sarili niyang Chloe Isleta Aquatics at isang produkto ng Arizona University, nang angkinin ang 100 backstroke sa oras na 1:00.31 laban kina Chua ng Top Swim Club (1:01.14) at Tarlac pride Trixie Ortiguerra (1: 03.79) sa event na suportado ng Speedo, Pocari Sweat at Philippine Sports Commission (PSC).
Ang rising star na si Riannah Coleman, isang Grade 9 student sa National Sports Academy (NAS) sa Clark na pinamamahalaan ng gobyerno ay kumana sa girls 50 backstroke sa oras na 33.75 laban kina Krystal David (34.50) at Jamaica Enriquez (34.92).
Nakapasok din ang Fil-American beauty sa PH Team patungong Bangkok tilt na may kahanga-hangang tatlong QTS breaking performance sa long course trials – 50-m breast (33.96), 200-mbreast (2:43.55) at 100-m breast (1:14.12).
Ang iba pang nanalo ng ginto sa dalawang araw na event ay sina Miguel Barreto sa boys 400 freestyle (4:00.87), Jie Angela Mikaela Talosig sa girls 400 free (4:32.62); Rian Marco Tirol sa boys 50 back (27.69); Jerard Dominic Jacinto sa boys 100 back (56.11); at Nathan Farrel Jao sa boys 200 IM (2:02.20). CLYDE MARIANO