(Chua sa Most Improved Player award) “SANA SA AKIN MAIBIGAY”

HINDI maitatago ni Justine Chua ang kanyang paghahangad na makopo ang Most Improved Player award ng PBA.

“I’m really hoping na sana sa akin maibigay. Or kahit maging finalist or nominee man lang. Malaking bagay ‘yun for me,” pahayag ng
31-anyos na si Chua ng Phoenix Super LG sa kanyang pagdalo sa weekly sports program The Chasedown.

“I’ve been in the league for seven years na, so who have thought na makakakuha pa ako ng award. So, sana nga.”

Ang 6-foot-7 center ay nasa perfect position para sa taunang parangal makaraang gumanap ng malaking papel sa kampanya ng Fuel Masters para sa isang championship berth sa katatapos na Philippine Cup bubble.

Iyon ang kanilang goal, ayon kay Chua, bagama’t kinapos ang koponan sa semifinals series kung saan natalo sila sa TnT Tropang Giga sa limang laro.

“’Yung goal ko talaga is really to make it to the finals and then bahala na kung ano mangyari,” aniya. “Kaya lang we fell short nga, hanggang Game 5 lang (ng semis).”

Bagama’t nabigo ang Phoenix na umabante, si Chua ay kabilang sa mga positibo ang pananaw para sa franchise sa pinaikling season.

Ang slotman mula sa Ateneo ay may average na 11.7 points, 6.7 rebounds, conference-best 1.6 blocks per game, at bumuslo ng 37 percent mula sa three-point range, pawang mas mataas sa kanyang norm sa naunang all-Filipino conference.

Nakapasok din siya sa Top 25 players overall sa statistical points standings, sa no. 23 na may 26.4 SPs, kasama sina fellow Phoenix teammates Calvin Abueva, Matthew Wright, at Jason Perkins.

Sapat na ito para maging malakas na kontender si Chua para sa Most Improved Player award, kung saan makakalaban niya sina Barangay Ginebra’s Prince Caperal, Perkins, Javee Mocon ng Rain or Shine, Meralco veteran Reynel Hugnatan, at NLEX’s Raul Soyud. CLYDE MARIANO

Comments are closed.