MAKARAAN ang pagbusisi ng Senado hinggil sa umano’y cartel at monopolyo umano ng mga negosyante sa sibuyas na nagdulot ng paglobo ng presyo na pumalo sa P750 kada kilo noong Disyembre, kikilos na rin ang Philippine National Police (PNP) laban naman sa pagpupuslit nito sa bansa.
Sa isang panayam kay PNP Chief General Rodolfo Azurin, inamin nitong kasama na rin ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa operasyon ng paglaban sa smuggling ng sibuyas.
Gayunpaman, bilang law enforcers, hindi lamang onion smuggling ang sakop ng kanilang operasyon kundi ang iba pang ipinupuslit ng agricultural products.
“Actually ay isinama ang CIDG natin para po sa isang unit na tutulong sa smuggling ng mga agricultural products na kung saan ang naapektuhan din po ang ating mga farmers dito sa ating bansa,” ayon kay Azurin.
Tiniyak din ni Azurin na kikilos na rin ang bagong talagang CIDG Director na si BGen. Romeo Caramat sa bagong misyon.
“We expect the CIDG na medyo maging aggressive sa pagtulong sa kampanya sa against smuggling,”dagdag pa ni Azurin.
Magugunitang noong Disyembre ay nagpasaklolo na ang Department of Agriculture sa Department of Justice upang pigilan ang agricultural smuggling. EUNICE CELARIO