CIGNAL HD VS ILOILO SA CHAMPIONS LEAGUE FINALS

TINANGKA ni Lloyd Josafa ng Cignal HD na makaiskor laban kay Jester Bornel ng  Iloilo D’Navigators. PNVF PHOTO

ISANG koponan ang matitira na walang dungis sa paghaharap ng unbeaten teams Cignal HD at Iloilo D’Navigators para sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League men’s crown makaraang dispatsahin ang kani-kanilang semifinals foes.

Winalis ng HD Spikers ang VNS Asereht, 25-14, 25-15, 25-22, habang pinataob ng D’Navigators ang College of Saint Benilde, 25-21, 25-16, 25-19, sa knockout semifinals upang maisaayos ang titular showdown noong Huwebes ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.

Magsasalpukan ang Cignal at Iloilo ngayong alas-5:30 ng hapon sa one-game championship ng unang event ng PNVF na suportado ng PLDT, Ayala Land, Nuvali, Cignal, One Sports, One Sports+, Mikasa, Senoh, Foton, Philippine Olympic Committee at  Philippine Sports Commission. Magsasagupa ang VNS at  Saint Benilde para sa bronze medal sa alas-3 ng hapon.

We prepared hard for the semis, we always treat is one match at a time,” wika ni Cignal HD coach Dexter Clamor.

Sasalang ang Cignal HD sa finals na wala si middle blocker Nastin Gwaza na na-sprain ang bukong-bukong sa Saint Benilde match, ngunit malalim ang bench ni Clamor sa pangunguna nina Joshua Umandal at  Mark Frederick Calado, na umsikor ng tig-11 points sa semifinals.

Nagdagdag si Lloyd Josafat ng 9 points habang gumawa sina captain JP Bugaoan at Wendel Miguel ng tig-7 points sa kanilang 93-minute contest kontra Blazers.

Determinado ang Cignal HD na mabawi ang korona na naagaw ng University of Santo Tomas sa limang kapana-panabik na sets noong nakaraang taon.

Subalit mas madali itong sabihin kaysa gawin dahil mapanganib din ang D’Navigators.

We’re well-prepared. We’re here not to compete. We’re here to win,” sabi ni veteran spiker Jayvee Sumagasaysay na nakakolekta ng 9 points sa kanilang panalo laban sa VNS sa loob lamang ng 80 minuto.

We’ll fight them off, point for point,” pahayag ni coach Rizalito Delmoro, na nakakuha rin ng 19 at 13 points mula kina John San Andres at Francis Saura, ayon sa pagkakasunod..

Sa classification matches, ginapi ng Savouge Spin Doctors ang  Philippine Air Force, 25-21, 25-18, 25-18, habang pinadapa ng Philippine Army ang  Philippine Navy, 25-23, 25-17, 25-17.

Paglalabanan ng Savouge at  Army ang fifth place at magtutuos ang Air Force at Navy para sa seventh at  eighth spots para kumpletuhin ang final rankings sa men’s division ng torneo na inorganisa ng PNVF na pinamumunuan ni Ramon “Tats” Suzara.

CLYDE MARIANO