CIGNAL NAG-INIT

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
9 a.m. – Chery Tiggo vs Choco Mucho (Classification)
11:30 a.m. – F2 Logistics vs PLDT (Semifinals)
4 p.m. – Creamline vs Cignal (Semifinals)
6:30 p.m. – Kurashiki vs Kinh Bac Bac Ninh (Semifinals)

SINIMULAN ng Cignal ang semifinals campaign nito sa pamamagitan ng 25-22, 25-15, 25-21 panalo sa PLDT sa Premier Volleyball League Invitational Conference kahapon sa Philsports Arena.

Kumana si Ces Molina ng 17 points habang gumawa si setter Gel Cayuna ng 15 excellent sets at nagpakawala ng match-best three service aces para sa HD Spikers na kinailangan lamang ng isang oras at 39 minuto upang pataubin ang High Speed Hitters.

Bitbit ang preliminary round loss sa F2 Logistics, ay Cignal ay mayroon na ngayong 1-1 record sa semis, na tinatampukan din ng Japan’s Kurashiki Ablaze at Vietnam’s Kinh Bac Bac Ninh.

“I know marami kaming lapses pero good thing, nakuha namin ng three sets kahit paano,” wika ni HD Spikers coach Shaq delos Santos.

Kasama ang prelims defeat sa defending champion Creamline, ang PLDT ay nahulog sa 0-2 sa standings.
Batid ni Cayuna na kailangang iangat ng Cignal ang lebel ng kanilang paglalaro sa yugtong ito ng torneo. Susunod nilang makakasagupa ang Cool Smashers bukas.

“Thankful kasi nakuha namin yung unang panalo sa semis. Pagtatrabahuan pa namin kasi kanina sa game, medyo mabagal talaga yung galaw namin. Effort pa rin talaga para maibalik namin yung bilis kung paano kami noong eliminations,” ani Cayuna.

Muling nanalasa si Jovelyn Gonzaga na may 12 points, 10 receptions at 6 digs habang si Rose Doria ang isa pang Cignal player sa double digits na may 10 points, kabilang ang 3 blocks at 2 service aces.

Nagtala si Fiola Ceballos ng 8 kills at 8 digs upang pangunahan ang High Speed Hitters, ang huling koponan na nakapasok sa semifinals.

Sa ikatlong sunod na pagkakataon ay napalaban nang husto ang PetroGazz, subalit hindi tulad sa five-set defeat sa Choco Mucho na sumira sa kanilang semifinals drive, ang Angels ay namayani sa Akari Chargers, 25-19, 25-18, 20-25, 20-25, 15-7, upang tumapos sa ika-9 na puwesto.