CIGNAL SASALANG NA SA SPIKERS’ TURF

Mga laro ngayon:
(Santa Rosa Multipurpose Sports Complex)
4 p.m. – VNS vs
Savouge
6 p.m. – Cignal vs
Chichi DHTSI

SASALANG na ang Cignal sa pinakaaabangang debut nito sa Spikers’ Turf Invitational Conference kontra Chichi DHTSI sa Santa Rosa Multipurpose Sports Complex sa Laguna ngayong Martes.

Ang unang out-of-town sortie ng conference ay nakatakda sa alas-6 ng gabi matapos ang 4 p.m. showdown sa pagitan ng VNS at Savouge.

Sariwa mula sa isa pang championship run sa season-opening Open Conference, ang HD Spikers ay papasok sa Invitationals na may bagong mindset at dalawang bagong mukha laban sa Titans.

“This is a big challenge for us, but we will take things one game at a time. Sure, malaking boost sa amin ‘yung championship namin sa Open Conference, pero we should enter this new conference with a fresh mindset,” wika ni Cignal coach Dexter Clamor.

Inaasahang pangungunahan nina Jau Umandal at JP Bugaoan ang HD Spikers na umaasang malulusutan ang pagkawala ni Bryan Bagunas.

Umaasa ang Cignal na mahigitan ang silver finish sa naunang edisyon ng conference, kung saan natalo ito sa Sta. Elena-NU sa finals.

Sina Owa Retamar (National University), Martin Bugaoan (Far Eastern University), JM Ronquillo (La Salle) at Fil-Am Steven Rotter ay nasa kanilang debut para sa decorated club, habang magbabalik si Louie Ramirez, isang two-time NCAA MVP mula sa University of Perpetual Help System Dalta.

Samantala, sasandal ang Chichi DHTSI, natalo sa kanilang unang dalawang laro sa conference, kina Christian Alicante at Jonathan Sorio upang subukang makapasok sa win column.

Sisikapin ng Griffins (1-1) na masundan ang unang panalo at madala ang kanilang momentum mula sa kanilang panalo kontra Martelli Meats, habang target ng Spin Doctors ang ikalawang sunod na panalo.