CIGNAL WINALIS ANG CHICHI DHTSI SA SPIKERS’ TURF

Mga laro bukas:
(Ynares Sports Arena)
4 p.m. – ChiChi DHTSI vs PGJC-Navy
6 p.m. – Savouge vs Cignal

SANTA ROSA, Laguna – Nagbigay ng matinding babala ang Cignal sa kanilang opening match sa Spikers’ Turf Invitational Conference makaraang walisin ang Chichi DHTSI, 25-16, 25-16, 25-15, sa Santa Rosa Multipurpose Sports Complex dito noong Martes ng gabi.

Impresibo ang naging debuts nina Owa Retamar at JM Ronquillo para sa HD Spikers matapos pangunahan ang koponan sa 1-hour at 11-minute victory.

Hindi naglaro sina returning Louie Ramirez at Fil-Am Steven Rotter sa opener, subalit nagawang maitakas ng Cignal ang convincing victory.

Giniba ng atake ng HD Spikers ang depensa ng Titans, para sa mainit na simula ng kanilang kampanya na makopo ang season-ending tournament title.

Umaasa ang Cignal na masundan ang Open Conference triumph noong nakaraang Mayo makaraang walisin ang Criss Cross sa Finals.

Gumawa si Retamar, produkto ng matagumpay na programa ng National University, ng 10 excellent sets sa loob lamang ng dalawang sets. Nagparamdam din si Ronquillo, dating taga-La Salle, sa pagkamada ng 9 points, kabilang ang 2 blocks at 2 service aces.

“Maybe to others, it looks like a strong start, but for us coaches and players, we’re not completely satisfied. We committed a lot of unforced errors that shouldn’t be happening at our level,” sabi ni HD Spikers coach Dexter Clamor.

Pinangunahan ni Jau Umandal ang opensiba ng Cignal na may 12 points sa 10-of-17 kills, habang nagdagdag si Mark Calado ng 10 markers, kabilang ang 2 blocks. Nag-ambag si team captain JP Bugaoan ng 9 points para sa HD Spikers.