SINERTIPIKAHAN ni Presidente Rodrigo Duterte bilang urgent ang isang bill na naglalayong ibaba ang corporate income taxes at i-rationalize ang fiscal incentives system sa bansa.
Inilarawan ni Senadora Pia Cayetano, chairman ng Senate ways and means committee, sa kanyang sponsorship speech ang Senate Bill No. 1357, o ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) bilang ‘fair and the best deal for all’.
Sa ilalim ng bill, ang CIT rate ay ibababa sa 20% mula sa 30%.
Ira-rationalize din nito ang fiscal incentives na ipinagkakaloob sa mga kompanya upang gawin itong ‘performance-based, time-bound, targeted, at transparent’.
Kaugnay nito ay hinimok ni Deputy Speaker at 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero ang liderato ng Senado na ipasa na nito ang iba’t ibang tax measures, kabilang ang CITIRA law, na makatutulong umano para maibsan ang epekto ng COVID-19 sa bansa.
“The Senate should approve these measures before we adjourn for our Holy Week recess this weekend, if that is still possible,” giit ng ranking house official.
“The proposed tax laws would benefit a lot of businesses, result in additional revenues for the government and create jobs and income for our people, especially those rendered jobless by the COVID-19 outbreak,” dugtong pa ni Romero.
Ayon sa kongresista, noon pang huling bahagi ng nakaraang taon nakabimbin sa Senado ang CITIRA bill, na layuning gawing simple ang pagbubuwis sa mga korporasyon sa bansa, kabilang ang gawing 15 percent mula sa kasalukuyang 20 percent ang ‘final tax on interest’ at iba pang uri ng ‘passive income’.
“This proposal would be particularly advantageous to millions of small and medium-scale businesses that are now paying 30 percent. The present law puts this sector of the economy at par with large corporations, including those enjoying tax incentives from the government. With CITIRA, all would pay the same reduced rates,” aniya.
Sa pagbaba ng corprorate income tax, sinabi ni Romero na makikinabang maging ang small at medium enterprises, lalo na ang nasa local tourism industry, ang sektor ng ekonomiya ng bansa na siyang inaasahang grabeng maaapektuhan ng COVID-19 outbreak.
Dahil sa pagbagsak ng bilang ng foreign at maging ng local tourists, tiyak umanong magiging limitado ang operasyon ng maraming negosyo kung kaya ang bawas na isa hanggang dalawang porsiyentong bayarin sa buwis ay malaking tulong na sa mga ito.
Subalit nanawagan si Senadora Imee Marcos sa mga kapwa niya senador na ipagpaliban muna ang pagpasa sa CITIRA law dahil sa nararanasang sunod-sunod na dagok sa ekonomiya dulot ng kinatatakutang COVID-19 at sa posibleng epekto sa ekonomiya ng pagbasura sa Visiting Forces Agree-ment (VFA).
Aminado si Marcos na malaking pabor para sa mga korporasyon ang CITIRA dahil mababawasan ang corporate tax mula 30% pababa sa 20%.
Subalit dahil sa CITIRA ay wala na aniyang matitira sa tax incentives at maaapektuhan ang Export Processing Zone Authority (EPZA) at ang Business Process Outsourcing (BPO) kung saan 1.5 milyong trabaho ang mawawala.
Paliwanag ni Marcos, dahil sa COVID-19 ay malabo nang ma-achieve ng gobyerno ang economic growth tulad ng pag-amin ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edilon na ibinaba na nila sa 5.5 to 6.5 percent ang expected economic growth ngayong taon.
Binigyang diin ng senadora na marami ang mawawalan ng trabaho dahil sa pagbagsak ng turismo at domestic market dulot ng COVID-19. VICKY CERVALES, ROMER BUTUYAN
Comments are closed.