CITIRA SUNOD SA SALIGANG BATAS ANG HALAGA

Joey Sarte Salceda

TINUTURING na pa­ngalawa sa 1987 Constitution ang kahalagahan ng panukalang ‘Corporate In­come Tax and Incentives Rationalization Act’ (CITIRA), na ipinasa ng Kamara nitong nakaraang linggo, dahil sa mga positibong yapak na iiwanan nito sa lahat ng sektor ng pambansang ekonomiya.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means committee chair at isa sa mga pangunahing may-akda nito, ang CITIRA (HB 4157) na umani ng 170 botong sang-ayon, kumpara sa walong kontra at anim na hindi bumoto, ay ‘centerpiece’ ng mga reporma sa pag-bubuwis. Pangalawa ito sa Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng administrasyong Duterte.

Itinalaga ng Pangulo ang CITIRA bilang pa­ngunahing tugon ng Fi­lipinas sa ‘US-China trade war.’ “Isinasaayos nito ang istrukturang pang-ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagbaba sa buwis sa kita ng isang milyong ‘small and medium enterprises’ (SMEs) na siyang nagbibigay trabaho sa karamihan ng mga mang­gagawang Pinoy habang isinasaayos nito ang mga insentibo ng 3,100 malalaking korporasyon na mapilitang ilagay sa ayos ang kanilang operasyon,” paliwanag ni Salceda.

Sa kabuuan, ang CITIRA ay lilikha ng 1.566 milyong trabaho at dadagdag ng 1.1% sa paglago ng ‘gross domestic product’(GDP) sa u­nang taon at taunang 3.6% mula 2020 hanggang 2030, habang mababang  0.9% la­mang ang ambag sa taunang ‘inflation.

Pangunahin ang CITIRA sa mga prayoridad na panukalang batas ng ‘18th Congress’ matapos itong hindi naipasa ng ‘17th Congress.’ Dating ‘Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities’ (Trabaho) ang tawag dito. Tiniyak ni Salceda na may pinaka-kaakit-akit itong mga insentibo sa rehiyon ng ASEAN “ngunit walang ‘forever,’ walang mga lusutan, at ang mga insentibo ay batay sa totohanang nagagawa at hindi sa mga pangako lamang.” Hahayaan din ng CITIRA ang dating rehistradong mga negosyo na lumipat sa bagong plataporma nito na lalong magi-ging kapaki-pakinabang sa kanila.

Ipinaliwanag din ni Salceda na sa ilalim ng SIPP (Strategic Investment Priorities Plan) kung saan kuwalipikado ang 64% ng mga kompanya, maaari silang patuloy na mag-aplay para ituloy ang kanilang mga insentibo.

Sa unang tatlong taon, aaprubahan ng pamahalaan ang aplikasyon ng mga kompanya at ibibigay sa kanila ang mga insentibo gaya ng mga sumusunod: 50% dagdag na bawas buwis sa paghirang ng mga manggagawang lokal,  50% bawas sa paggamit ng mga kasangkapang lokal,  100% bawas sa gastos sa pagsasanay ng mga manggagawa, 100% bawas sa gastos para sa R/D.

Para naman maakit silang mamuhunan pa, may 50% karagdagang bawas sa  ‘reinvestment in manufacturing, accelerated depreciation,’ 10 taon para sa mga gusali at limang taon para sa mga kagamitan, at 100% karagdagang bawas buwis sa mga imprastruktura.

Kung uugatin, diin ni Salceda, ang CITIRA ay mula sa Diyos, “kaya tiya­kin nating maging mabisa at matagumpay ito para sa susunod ng mga henerasyon.