CITIZEN SERVICE PROGRAM SA SCHOOLS ISINULONG

SEN IMEE MARCOS-2

MARAMING paraan para maipakita ang pagmamahal at paglilingkod sa bayan bukod pa sa pagsabak sa giyera.

Ito ang reaksiyon ni Senadora Imee Marcos makaraang hikayatin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas na buhayin ang Reserved Officers’ Training Corps (ROTC)  para sa Grade 11 at Grade 12 sa isinagawang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.

Kaya’t inihain ni Marcos ang Senate Bill 413 para itulak ang “Citizen Service Program” sa grade school hanggang college.

Aniya, maging ang civic involvement at hindi lang mandatory military training ang magpapaigting sa disiplina at pagiging makabayan ng mga kabataang Filipino.

Iginiit pa ni Marcos, matutugunan pa rin naman ng Citizen Service Program ang panawagan ng Pangulo na military training para sa mga kabataan pero pinapayagan din ang mga college student na mamili, kung military training sa halip na community service, disaster prepa­redness at environmental protection para mas mapaunlad at mapalaganap ang ‘bayanihan’ na siyang nakapaloob sa kasaysayan at kulturang Filipino.

Binigyang diin ng senadora, ang ROTC ay isang military training na siyang gawing opsiyon sa kolehiyo sa halip na requirement para sa grade 11 at grade 12 bilang pagpapakita ng pagrespeto sa United Nations Resolution 1261 hinggil sa karapatan ng isang bata o mga bata sa armed conflict.

Nakapaloob sa SB 413 na may libreng health insu­rance at serbisyong medikal sa mga estudyanteng magnanais na kumuha ng ROTC training habang ang mga opisyal ay maaaring  bigyan ng insentibo.

Ayon sa senadora, ito na ang kanyang paninindigan noon pang panahon ng panunungkulan ng kanyang ama bilang Pangulo ng bansa.

Paliwanag ng senadora, nabuo ang Youth Civic Action Program (YCAP) at Youth Development Training (YDT) na kasama sa curriculum noong dekada ‘70 at ‘80 dahil sa argumento nilang dalawa ni yumaong dating Pa­ngulong Ferdinand Marcos.  VICKY CERVALES

Comments are closed.