CITY HALL CLOCK TOWER MUSEUM TOURIST SPOT NA

BAGO matapos ang kanyang termino ay nilagdaan ni dating Mayor Isko Moreno na ngayon ay citizen Isko, ang isang executive order na nagdedeklara bilang tourist spot sa lungsod ang iconic Manila City Hall Clock Tower Museum.

Mismong si Moreno ang nanguna sa ribbon-cutting ng nasabing museum kasama sina secretary to the mayor at ngayon ay city administrator Bernie Ang, National Museum Director Jeremy Barns, National Historical Commission of the Philippines Chairman Rene Escalante, National Anti-Poverty Commission Undersecretary Penelope Belmonte at Intramuros Administrator Guiller Asido.

Matatandaan na noon pa ay may panawagan na na i-rehabilitate ang nasabing clock tower pero nagawa lamang ito matapos ang 25- taon.

Nang manungkulan si Moreno siya ay naglatag ng isang major tourist attraction ang nasabi clock tower.
Sa Manila Clock Tower Museum ay makikita ang iba’t-ibang multisensory exhibit ng mga historical events sa Maynila.

Ang “Battle for Manila” portion ay dinisenyo at maingat na pinili at inayos nina Ohm David at Elba Cruz.

Samantala, ang visual artist na si Maestro Rene Robles, kasama ang international artists na sina Sherwin Paul Gonzales at Nante Carandang ay itinampok ang kanilang international art movement na may titulong “Assertionism.”

Makikita rin sa nasabing museum ang iba pang sining tulad ng award-winning artworks mula sa Tawid Gallery at masterpieces ng furniture artist na si Agi Pagkatipunan. VERLIN RUIZ