CAVITE – BINULABOG ng bomb threat ang City of Bacoor National High School Salinas, Brgy. San Nicolas 3 Extension, Bacoor City nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Levin Jasper Agustin, 31-anyos, guro ng naturang paaralan at siya rin administrator ng official facebook page ng paaralan ay nakatanggap umano siya ng isang mensahe buhat sa pangalang “Dumpp Sitee” na may bomba sa kanilang paaralan.
Agad na ginalugad ng mga tauhan ng Bacoor City Police Station, Bacoor City Local Govt Security Unit, at Cavite Provincial Explosive Ordinance and Canine Unit ang naturang lugar.
Matapos ang masusing inspeksyon ay nag negatibo naman ito sa banta ng bomba. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari at matukoy ang pagkakakilanlan ng nagpadala ng mensahe.
Samantala, nilinaw naman ng pamunuan ng Bacoor National High School- Main na hindi ang kanilang paaralan ang nakatanggap ng bomb threat na mabilis na kumalat sa social media.
Ito ay kaugnay sa naunang FB post ng Philippine Emergency Alerts kung saan nailagay ang pangalan ng Bacoor National High School- Main na mayroong bomb threat imbes na CBNHS- San Nicolas.
Ang naturang FB post ay naitama na.
SID SAMANIEGO