CIVIL, CRIMINAL CASES KAHAHARAPIN NG DERMALOG – VERZONTAL

NAKATAKDANG sampahan ng civil at criminal complaints ng Filipino construction firm na Verzontal Builders Inc. (Verzontal) ang German information technology firm na Dermalog.

Ito ay bunsod ng payment issue ng kompanya na patuloy na hinahabol ng Verzontal.

Napag-alamang ang Verzontal ay isa sa mga Joint Venture Agreement partners na kasama sa P3.14 bilyong Land Transportation Management System (LTMS) project ng Land Transportation Office (LTO).

Sa panayam ng PILIPINO MIRROR kay Atty. Ricardo Gao Pronove III, legal advisor ng Verzontal, hustisya ang hanap ng kanilang hanay.

Hindi aniya nagamit ang legal options para matiyak na maibubulgar ang mga corrupt practices ng Dermalog.

Natuklasang hindi rin umano nabayaran ng Dermalog ang 25 porsiyentong share ng Verzontal kahit na nakumpleto na ang civil, mechanical, at electrical works na kinakailangan para sa LTMS project.

Ipinaliwanag pa ni Pronove na pinaniwala din ng Dermalog ang Verzontal na nasa P278 milyon lamang ang electromechanical work gayung nasa P390 milyon ang nakasaad sa naturang kontrata.

Sabi pa ni Pronove, ibabase ng kanilang hanay ang kasong sibil sa hindi pagbabayad ng Dermalog sa serbisyo partikular na ang pagpapatayo ng IT center ng LTO habang ang kasong criminal ay ibabase naman sa ilegal na aktibidad ng Dermalog sa LTMS project.

Sa ngayon, inaayos na ang kaso at isasampa sa korte bago matapos ang taong kasalukuyan.

Ikinadidismaya ng Verzontal ang biglaang pag-terminate ng Dermalog sa JVA nang walang abiso sa kanila.

“We don’t want to partner with them anymore because they are conducting [it] illegally. They are violating the contract,” pahayag ni Pronove. BENEDICT ABAYGAR, JR.