CIVIL GROUPS UMALMA SA TWG IRREGULARITIES; SENADO, KONGRESO PINAAAKSIYON

Atty Ariel Inton

PINALAGAN ng civil society group members ng technical working group (TWG) para sa motorcycle taxi ang umano’y iregularidad sa proseso partikular na, anila, sa pagpapasiya hinggil sa pilot run at sa tangkang pagpapapasok sa mga bagong motorcycle taxi operators nang wala pang naitatakdang pamantayan.

Sa isang press briefing kahapon, sinabi ng grupo na sila ay naitsa-puwera sa mga pagpupulong na isinagawa kamakailan ng TWG at nabigla na lamang sila nang maghayag ang Department of Transportation (DOTr) ng kanilang rekomendasyon na palawigin ang pilot run ng anim pang buwan at sa nabanggit na extension ay mapapabilang na ang ilang mga bagong motorcycle taxi operators.

“Bakit hindi  kami ipinatawag bilang isang buong grupo ng TWG? Bahagi kami ng orihinal na TWG na nagtrabaho upang masusing pag-aralan ang business model ng motorcycle taxi sa bansa,” ani Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP).

“Lagi kaming nagpa-follow up sa kanila at humihingi ng update sa pilot run subalit walang ibi­nibigay na impormasyon sa amin, “ dagdag pa ni Inton.

Dahil dito, lumagda sa petisyon ang mga mi­yembro ng nasabing grupo upang hilingin ang pag-aksiyon ng Kongreso at Senado at imbestigahan ang umano’y mga nagaganap na iregularidad.

Sinabi ng grupo na nagkaroon ng ilang pagpupulong ang TWG hinggil sa pilot run at extension nito at sa pagpapasok sa mga bagong motor­cycle taxi operator, subalit kataka-taka, anila, na hindi sila inimbitahan sa nasabing mga pagpupulong.

Napag-alaman ng grupo na ang nasa ‘secret meeting’ ay ang DOTr, LTFRB, Land Transportation Office (LTO), at ang Inter-Agency Council for Traffic (IACT), pawang mga ahensiya sa ilalim ng DOTr.

Nasa press briefing din kahapon sina Jason Salvador, Managing Director ng the Legal Engagement Advocating for Development and Reform (LEADER), Atty. Victor Pablo Trinidad ng MMDA at Ariel Lim na consultant sa tanggapan ni Sen.  Grace Poe.

Ayon kay Trinidad: “Ang MMDA ay isa sa law enforcement agencies na kabilang sa TWG kaya’t labis kaming nababahala sa mga kaganapang ito. Kailangan natin ng mahigpit na pamantayan bago payagang makapasok ang mga bagong operator.”

Para naman kay Lim, walang bisa ang magi­ging desisyon ng apat na miyembro lamang ng TWG dahil kinakaila­ngan na anumang rekomendasyon ng grupo ay pirmado at sinang-ayunan ng lahat.

Binigyang-diin ni Lim na ang Senado ang nagbigay ng basbas para sa pilot run kaya marapat lamang na ang kabuuang ulat ng TWG ay dumaan muna sa kanila upang kanilang mapag-aralan.

Ayon pa sa kanya, ipinagbigay-alam na niya kay Sen. Poe ang mga reklamo hinggil sa umano’y iregularidad sa TWG.    PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.