CJ PEREZ PBA BEST PLAYER OF THE CONFERENCE; WILLIAMS BEST IMPORT

MATAPOS ang matagal na paghihintay, sa wakas ay nagwagi rin si CJ Perez bilang PBA Best Player of the Conference.

Magaan na nakopo ng 30-year-old wingman ang kanyang unang BPC Award, ang pinakamataas na individual honor ng Commissioner’s Cup, Biyernes ng gabi sa harap ng malaking crowd sa Smart Araneta Coliseum.

Nakalikom si Perez ng kabuuang 1,055 points makaraang pangunahan ang media (505) at players (86) votes nang talunin si runner up Christian Standhardinger ng Barangay Ginebra.

Naungusan ni Standhardinger si Perez sa statistical department (466-464), subalit pumangalawa kapwa sa  media (266) at  players (45) votes.

Ang no. 1 overall pick sa 2018 draft, si Perez ay perennial contender para sa award, ngunit laging natatalo makaraang pumangalawa kay teammate June Mar Fajardo sa Philippine Cup noong nakaraang taon, fourth sa Commissioner’s Cup sa likod nina winner Scottie Thompson, Jamie Malonzo at Robert Bolick, at  third sa Governors’ Cup kasunod nina Standhardinger at Roger Pogoy.

Siya ang ika-8 player sa San Miguel franchise history na naging BPC winner matapos nina legendary Allan Caidic, Nelson Asaytono, Danny Seigle, Danny Ildefonso, Jay Washington, Arwind Santos, at June Mar Fajardo.

Nasa kontensiyon din para sa  BPC title sina Arvin Tolentino ng NorthPort, na pumangatlo na may 559 points, kasunod sina TNT’s Calvin Oftana (472) at Scottie Thompson ng Barangay Ginebra (446).

Samantala, si Jonathan Williams ng Phoenix ang nanalo ng ArenaPlus Best Import award makaraang gapiin sina Tyler Bey ng Magnolia at Bennie Boatwright ng San Miguel.

Ang masipag na 6-foot-9 na si Williams, na iginiya ang Fuel Masters sa semifinals, ay nanguna sa karera na may 1,017 points nang maging no. 1 sa media votes (424), pangalawa sa statistics (554), at pangatlo sa players’ votes (39).

Naging una siyang import na nagwagi ng award sa kabila na hindi nakapasok ang Phoenix sa  finals matapos ni Arinze Onuaku ng Meralco sa 2016 edition ng Commissioner’s Cup.

Ang dating NBA player ang una ring import sa franchise history ng Phoenix na nanalo ng award.

Pumangalawa si Bey na may 908 points makaraang makalikom ng pinakamaraming boto sa players (76), pangalawa sa media votes, at nasa likod ni  Williams sa statistics (553).

No.1 si Boatwright, isang replacement para kay Ivan Aska sa huling bahagi ng elimination round, sa statistics (659), subalit pangalawa lamang sa players’ votes (63) at pangatlo sa media votes (156).

CLYDE MARIANO