NORTH COTABATO – APAT katao ang napatay habang lima ang malubhang nasugatan makaraang magbakbakan ang dalawang pamilya sa Barangay Kalibugan bayan ng Pagalungan, Maguindanao kamakalawa ng umaga.
Sinasabing alitan sa lupa at mga pananim ang dahilan ng away ng pamilyang Impos at Magao sa nabanggit na barangay na kapwa miyembro ng MNLF at MILF.
Nakilala ang apat na namatay na sina Amir Impos, Norodin Magao, Alex Galang at si Robin Magao habang limang iba pa ang sugatan sa madugong sagupaan.
Sa ulat ng Maguindanao PNP, una umanong binaril at napatay ng mga miyembro ng pamilyang Magao si Amir Impos.
Kaagad namang gumanti ang pamilya Impos kung saan sinalakay ang pinagkukutaan ng kalabang pamilya.
Samantala, nagsilikas naman ang mga kapitbahay ng magkalabang pamilya sa takot na maipit sa gulo.
Kasalukuyang humupa ang bakbakan ng magkabilang panig nang mamagitan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, Muslim elders at mga lider ng MILF at MNLF. MHAR BASCO
Comments are closed.