BALIK-OPERASYON na kahapon ang Clark International Airport (CRK) sa Pampanga wala pang 48 oras matapos mapinsala ng Magnitude 6.1 na lindol.
Dakong alas-4:00 ng hapon nang buksan ang CRK sa mga pasahero sa domestic at international flights.
Tinatayang nasa P30 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa naturang paliparan.
Ayon kay Jaime Melo, presidente ng Clark International Airport Corporation (CIAC), inaasahang matatapos ang lahat ng pagkukumpuni sa paliparan sa loob ng isang buwan. Kasama na rito ang emergency procurement para sa mga kagamitan at ser-bisyong kailangan para sa pag-aayos ng mga napinsalang pasilidad.
Napinsala sa pagyanig ang Passenger Terminal Building (PTB) at Control Tower ng CRK habang sa pre-departure area, ma-laking bahagi ng kisame ang bumagsak.
Naibalik na rin ang suplay ng koryente sa paliparan, maging ang pag-operate ng flight information systems at CCTV.
Ikinatuwa ni DOTr Secretary Arthur P. Tugade ang mabilis na pagtugon sa direktiba niyang masusing suriin ang structural in-tegrity ng paliparan, kasama na ang itinatayong Terminal 2 nito, at madaliin ang pagkukumpuni sa mga napinsalang pasilidad upang agarang maibalik ang serbisyo sa mga pasahero.
“Ang nangyari ‘ho ay isang kalamidad na kailangang agad na tugunan. Sa mga ganitong panahon, napakahalaga ng trans-portasyon upang dalhin sa kaligtasan ang mga tao. Ang sabi ng Pangulong Duterte, siguraduhin na agad maisasaayos at matutulun-gan ang mga tao. Kaya kami ‘ho sa DOTr, CIAC at BCDA ay puspusan ang ginawang pagkukumpuni ng mga istruktura upang maibalik sa normal ang operasyon dito sa Clark Airport. Lahat po ng maaaring ibigay, mula sa pagkain, libreng sakay, ibinibigay ho namin,” anang kalihim.
Matatandaang ipinag-utos ng kalihim sa mga opisyal ng CIAC ang pagpapatupad ng emergency procurement para sa pagbili ng mga kagamitan at pagkuha ng mga serbisyong kailangan sa pagkukumpuni sa mga napinsalang pasilidad sa paliparan.
Tinatayang 110 flights ang naapektuhan sa pagsuspinde sa operasyon ng paliparan bunsod ng lindol.
Agad na sinimulan nitong umaga ng Martes, ika-23 ng Abril, ang clearing operations at repair sa CRK, partikular sa pre-departure area kung saan bumagsak ang malaking bahagi ng kisame nito.
Samantala, walang naiulat na pinsala sa runway at taxiway ng paliparan, gayundin sa itinatayong bagong PTB.
P200-M INFRA NAWASAK NG LINDOL
TINATAYANG aabot sa mahigit P200 milyon ang pinsala o nawasak na impraestraktura ng Magnitude 6.1 earthquake na tumama sa Luzon nitong Lunes.
Sa ulat na ipinarating ng Department of Public Works and Highways sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction Man-agement, maraming lansangan, tulay at mga gusali ang nasira sa pagyanig.
Ayon kay Public Work Secretary Mark Villar, ang nasabing halaga ng pinsala ay mula sa mga nasirang lansangan at tulay at posibleng lumobo pa ito oras na matapos ang isinasagawang pagtataya sa kabuuang damages.
Bukod sa mga lansangan ay nasira rin ang malaking bahagi ng Clark International Airport.
Tuluyang gumuho naman ang Chuzon Supermarket na target ngayon ng isinasagawang massive search and rescue operation pa-ra sa mga posibleng nalalabing buhay matapos na ma-trap sa gumuhong gusali habang nasa kasagsagan ng pamimili ang mga resi-dente ng bayan ng Porac.
Samantala, patuloy ang ginagawang pag-aanalisa ng government assessment teams sa mga naging sira at patuloy rin ang gina-gawang pag-aaral ng mga awtoridad kung bakit bumagsak ang 4-story na Chuzon Supermarket habang nanatiling nakatayo ang iba pang estruktura na katabi nito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.