CLARK AT SUBIC HINOG NA BILANG MGA PREMYADONG LUNGSOD

Magkape Muna Tayo Ulit

MATAPOS  ang ilang dekada mula nang binitawan ng mga Amerikano ang kanilang base militar sa ating bayan, ang Clark at Subic Base ay na­ging isa lamang sum­pang pangarap. Ano ang ibig kung sabihin dito? Ilang pamahalaan na ang dumaan mula noong panahon ni Pangulong Cory Aquino ang nagbigay ng mga malalaking plano upang i-convert ang mga nasabing base militar bilang isang progresibong lugar kung saan ito ay magi­ging isa pang sentro ng kalakaran at pasyalan ng mga turista.

Ilan ang nagtangka na gawin ito. Sinimulan subali’t hindi lumipad. Maraming malalaking plano at pangarap ang inilaan para sa Clark at Subic subali’t tila nagkulang ang mga ito sa maayos na pamamahala. Marahil ay marami rin ang mga nakialam at gumamit ng impluwensiya mula sa mga grupo ng mga namuno noon upang mapaboran ang mga i­lang negosyo at polisiya na pangmadalian at hindi para sa pangmatagalang plano upang umasenso ang Clark at Subic.

Noong panahon ni Pangulong Ramos, ina­yos ang Clark at Subic bilang lugar ng tagpuan ng mga lider ng mundo para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).  Ang APEC ay isang pang-ekonomiyang forum sa pang-ekonomiya na itinatag noong 1989 upang magamit ang lumalagong pagkakaakibat ng mga bansa sa Asia at sa Pacific.

Muntikan nang  umusad ang Clark at Subic noong panahon ni Ramos, subali’t pagtapos noon ay tila napapabayaan na ang mga ito. Sa katunayan ang mala­king kompanya na FedEx ay ginawa ang Subic bilang sentro ng kanilang operasyon noong mga panahon na iyon subali’t umatras matapos maram­daman nila na unti-uniting na­wawala na ang ningning ng Clark at Subic pagkalipas ng ilang taon.

Sayang, kumpleto pa naman sa impraestruktura ang Clark at Subic dahil nga dating base militar ito ng mga Amerikano. Kumpleto na ang mga kalsa-da, koryente, suplay ng tubig, komunikasyon at karagdagang lawak ng lugar para sa karagdagang development doon. Hindi lang ‘yan. May isang world-class airport ang Clark at Subic. Dagdag pa rito ay may premyadong pantalan din ang Subic. Pero ang tanong… ano ang nangyari?

Ang Clark at Subic ngayon ang nagmistulang lugar ng mga ma­liliit na negosyante mula sa Korea at China. Ang daming mga kasunduan at kontrata mula sa kanila na hindi nila sinunod at nagbayad ng wasto sa namamahala ng Clark at Subic. Nakapanghihinayang. Mabuti na lang at tila may nakikita tayong magandang balita at puspusan na inaayos ang Clark International Airport

Kamakailan ay nagsalita si Finance Secretary Carlos Dominguez na plano nilang hika­yatin ang mga malalaking negosyante mula sa US dulot ng mga  malaking plano ng administrasyon ni Duterte na muling buhayin ang Clark at Subic. Si Dominguez ay kilala bilang punong abala ng gabinete ni Duterte sa larangan ng ekonomiya.  Sa isang Philippine Economic Briefing Roundtable na ginawa sa Washington, D.C., sinabi ni Dominguez na marami sa US business community ay nagpahiwatig ng interes na lumahok sa “Build, Build, Build” infrastructure program ng Filipinas.

Malakas ang paniniwala ni Dominguez na ang mga malalaking negosyante mula sa US ay papasok at mag-invest sa ginagawang New Clark City, na isa sa mga centerpiece ng “Build, Build, Build.”

Sana ay matuloy na ito. Napapanahon na tayo ay maghanap ng alternatibong sentro ng kalakaran maliban sa Metro Manila. Kapag naayos ang New Clark City at iba pang development sa Clark at Subic, mahihikayat ang ilan sa mga nani­nirahan sa Metro Manila na makipagsapalaran sa magandang  oportunidad ng bagong pamumuhay rito. Ito rin ang maaring hudyat upang ma-decongest ang Metro Manila.

Comments are closed.