ITINUTURING na malaking dahilan ngayon para maisakatuparan ang kaukulang pagsasaayos ng Clark International Airport upang magsilbi na itong ‘alternate gateway’ ng bansa ang nangyaring pagsadsad ng Xiamen Airlines Boeing 737-800 plane sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Huwebes ng gabi.
Ito ang nagkakaisang paniniwala nina House Committee on Women & Gender Equality Chairperson Bernadette Herrera-Dy (Bagong Henerasyong party-list) at House Deputy Minority Leader Luis Jose Angel Campos Jr. (2nd Dist. Makati City), na ikinalungkot ang pagkakansela, delay at diversion ng maraming flights bunsod ng nasabing runway mishap.
Ayon sa lady partylist solon, malinaw na isang ‘eye-opener’ ang naganap na trahedya at dapat lamang makabuo ang pamahalaan ng patakaran na ipatutupad nito kundi man para maiwasan na muling mangyaring ay mabilis na makatutugon sa kahalintulad na insidente.
Hanggang kahapon ng tanghali ay apektado ang operasyon ng NAIA na bagama’t naitabi na ang nadiskaril na eroplano, ay kinailangan pang magsagawa ng clearing operations para masigurong ligtas nang gamitin muli ang lahat ng runway nito.
Sa panig ni Campos, sinabi niyang kinakailangan na talagang magkaroon ng alternatibong international airport, na malapit sa Metro Manila, partikular ang Clark International Airport para tugunan na rin ang problema sa ‘flight congestions’ sa NAIA.
“We are all for the continuous upgrading and expansion of Clark so that it can easily accommodate a greater number of international as well as domestic flights. We really have to build up Clark to decongest the NAIA, which is bursting at the seams in terms of aircraft and passenger traffic,” sabi pa niya.
Nabatid sa Makati City lawmaker na nasa P2.74 billion ang pondong gagamitin ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay ng modernization project nito sa Clark, na nalagyan at gumagana na ang Instrument Landing System (ILS).
“The ILS enables pilots to conduct a fully automated or instrument approach to landing if they are unable to establish visual contact with the runway, for example, at night or during poor weather conditions.” dagdag ni Campos.
Sinabi naman ni Herrera-Dy na ang pagpapalawak sa operasyon ng Clark ang pinakamabilis na solusyon para mapaluwag ang ‘air at passenger traffic’ sa NAIA subalit pupuwede ring tingnan o magkaroon ng upgrading sa Sangley Airport at pagpapatayo ng bagong paliparan sa Bulacan bilang mga alternatibong paliparan para sa Metro Manila.
Kaya’t umaasa ang congresswoman na mabibigyan ng pansin at agaran na ring maaaprubahan ang iniakdang House Bill 6065 o ang Air Passengers Bill of Rights na nagsusulong sa kapakanan ng mga pasahero at tumutukoy rin sa responsibilidad ng airline companies at airport authorities kapag mayroong kanselasyon, delay at diversion ng biyahe.
Kaugnay nito, nabuksan na ang runway ng NAIA kahapon ng tanghali upang bigyang daan ang demobilization ng mga heavy equipment na ginamit sa pag-alis ng sumadsad na eroplano ng Xiamen Airlines at paglilinis na rin sa mga naiwang debris sa runway.
Nabatid na pasado alas-7 kahapon ng umaga nang tuluyang maialis ang eroplano ng Xiamen airlines sa runway at dinala sa Balagbag ramp. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.