CLARKSON PASOK SA NAT’L TEAM POOL

Jordan Clarkson

PASOK na si Filipino-American player Jordan Clarkson sa expanded national team pool na sasabak sa FIBA World Cup.

Inanunsyo ito mismo ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao sa nalalabing 50 araw bago ang World Cup.

Pinalawig ni Guiao ang national team pool sa 19 players na kinabi­bilangan ng apat na naturalized players – Clarkson, Andray Blatche, Stanley Pringle at Christian Standhardinger.

Ang Gilas pool ay isinumite ni Guiao noong Lunes at kalaunan ay inaprubahan nina Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) President Al Panlilio at SBP Chairman Emeritus Manny V. Pangilinan.

Ang pagsama kay Clarkson, ang Fil-Am guard ng Cleveland Ca­valiers, ang hindi ina­asahan sa lahat, na inilarawan ni Guiao bilang back-up plan sakaling may hindi magandang mangyari.

“At least we have options on the naturalized players,” wika ni Guiao sa pagtatapos ng Monday night practice ng Gilas sa Meralco gym.

Gayunman, umaasa si Guiao na ikokonsidera na ng FIBA si Clarkson bilang  local player para sa World Cup sa Agosto.

Ang kaso ni Clarkson ay iniapela ng SBP sa world governing body ng sport.

“We’re still hoping that a miracle happens,” ani Guiao. “We’re still not giving up on the effort to play him as a local.”

Ang iba pa na bumubuo sa Gilas Pilipinas pool ay sina Japeth ­Aguilar, Raymond Almazan, Mark Barroca, Beau Belga, Robert Bolick, Poy Erram, ­Juner Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Paul Lee, Gabe Norwood, CJ Perez, Roger Pogoy, Kiefer Ravena, Troy Rosario, at Matthew Wright.

Mula sa pool of players na nakatakdang isumite ng SBP sa FIBA ay bubuuin ang final 12-man roster ng Gilas Pilipinas sa World Cup.

Ihahayag ni Guiao ang pangalan ng 12 players bago umalis ang national team patungong  Foshan, China sa Agosto 29.

Comments are closed.