CLARKSON, SOTTO SUMALI NA SA ENSAYO NG GILAS

SA unang pagkakataon ay sumali na sina Jordan Clarkson at Kai Sotto sa ensayo ng Gilas Pilipinas noong Miyerkoles ng gabi sa PhilSports Arena sa Pasig, mahigit dalawang linggo bago ang 2023 FIBA World Cup na idaraos sa bansa.

Ibinahagi ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes sa Instagram ang video ng dalawang players na sumalang sa ensayo sa unang pagkakataon magmula nang bumalik ang koponan mula sa 2023 Heyuan WUS International Basketball Tournament sa China, kung saan tumapos ang nationals na may 3-1 record.

Nag-post din ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa Twitter nitong Huwebes ng mga litrato ng pag-eensayo ni Clarkson sa koponan.

Si Clarkson ay dumating sa Manila nito lamang Martes, habang si Sotto ay hindi sumama sa China dahil sa back injury na kanyang natamo sa kanyang paglalaro para sa Orlando Magic sa NBA Summer League.

Ang darating na FIBA World Cup ay magiging ikatlong tour of duty ni Clarkson bilang naturalized player para sa Gilas, kung saan kinatawan niya ang Pilipinas sa 2018 Asian Games at sa fourth window ng 2023 World Cup Asian qualifiers.

Inaasahang palalakasin ng dalawang players ang Gilas sa kanilang pagsagupa sa Dominican Republic sa opening night sa August 25 sa Philippine Arena, Angola sa August 27, at Italy sa August 29 sa Smart Araneta Coliseum.