CLASSY KA BA?

Hindi ang pera sa iyong bank account ang sukatan ng pagiging class mo o wa-class. Ang class kasi,  babae ka man o lalaki, ay may kinalaman sa iyong ugali, awareness, at galaw.

Ang tunay na taong high class ay hindi nagyayabang na mayroon silang mamahaling bag, sapatos o damit — kahit pa alahas. Sa totoo lang, mas high class ang tao, mas minimalist pagdating sa alahas. Ang damit, kahit Chanel o Gucci, nakatago ang etiketa.  Medyo nahahalata nga lang sa fine  dining, dahil hindi sila sanay sa fastfood –; which is actually bad for your health.

Ang pagiging class ay tungkol sa  values na meron ka, yung respeto mo sa kapwa, at ang positibo mong  impluwensya sa mundo at sa mga taong nakapalibot sa iyo.

Kahit wala kang gaanong pera, pwede ka pa ring maging person of high class. At may mga senyales ito.

PINAHAHALAGAHAN ANG RESPETO

Isa sa pinaka-defi­nitive sign ng taong high class person ay yung marunong gumalang sa iba, kahit ano pa ang kanilang socioeconomic standing. Hindi yung, kapag tiningnan mo sa mata, may makikita kang piso (cheap ba?)

Hindi rin batayan ang designer labels. Pero batayan ang iyong kilos at galaw, yung salitang lumalabas sa bibig mo, at ang kapasidad mong tratuhin ang iyong kapwa ng may konsiderasyon at kabutihang loob.

Siguro nga, wala kang gaanong pera (tulad ko), pero kung marunong kang rumespeto sa kapwa mo, mayaman ka, kapatid!

Ang mga high class na tao ay maunawain. Nauunawaan niyang bawat tao ay may kani-kanyang worth at deserve nilang tratuhin ng may dignidad. Nakikinig siya sa sinasabi ng iba, ngunit hindi judgemental. Ina-acknowledge at pinahahalagahan nila ang panukala ng iba.

Nauunawaan nila ang kahalagahan ng hard work, at hindi sila takot magtrabaho. Bilang high class na tao, e ano naman kung pagpawisan sa trabaho? Hindi sila hihinto habang hindi natatapos ang dapat gawin. Alam nilang hard work ang pundasyon ng bawat success story, malaki man ito o maliit.

Noong college pa ako, may mga kaklase akong nagtatrabaho para makapag-aral. Hindi ko alam kung gaano ka-challenging ang kanilang ginagawa dahil isa ako sa mga spoiled brat na batang hindi pa alam ang kahalagahan ng hard work.

Ewan. Alam kong wala silang gaanong pera noon, pero karespe-respeto sila dahil kaya nilang buhayin at pag-aaralin ang kanilang sarili — hindi tulad kong lahat ng pera ay galing sa magulang.

Mas matatag ang kanilang karakter, at hindi sila basta nagpapatalo. Mas malamang na naging successful sila, dahil sanay sila sa hirap.

Kung ikaw ang uri ng taong hindi takot magbanat ng buto, at ang challenges para sa’yo ay opportunities for growth, sign iyan ng pagiging high class person.

MAHALAGA ANG EDUKASYON

Mahalaga sa mga high class individuals ang matuto. Alam nilang ang karunungan ay kauamanang kaylan man ay hindi mananakaw.

Maraming nagsasabing hindi naman kailangan ang degree para yumamann — banggitin na natin sina Bill Gates, Mark Zuckerberg, at Henry Sy na nag-dropped out sa university pero naging billionaire — hindi lahat ay sinusweteng katulad na, lalo na sa Pilipinas. Dito sa atin, janitor ang trabahong inaaplayan mo, ang requirements, dapat college level. Ridiculous, di ba?

Pagiging curious at open-minded ang susi. Laging bukas ang high class individuals sa pagkatuto. Mahilig silang magbasa, dumalo sa seminars — kahit ano, basta may mapupulot na bago.

Yes, hindi lang degree ang education. Ito yung open mind and a thirst for knowledge.

MARUNONG MAGPASALAMAT

Gaano man kaliit ang pabor, magpasalamat ka. Walang mababawas sa iyong pagkatao kung magsasabi ka ng thank you. Iyan ang inherent characteristic ng high class na tao. Wala namang bayad ang thank you, di ba?

Marami pang characteristics ang high class na tao na hindi ko na nabanggit dahil kulang ang espasyo, ngunit base sa mga nasabi na, ikaw na lang ang humusga. Classy ka ba?

NENET VILLAFANIA