HINIHIKAYAT ngayon ang mga local government units maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isamang tutukan at linisin ang mga estero sa buong Metro Manila.
Ayon kay dating MMDA Chairman Francis Tolentino, hindi sapat at solusyon na ipasara na lamang ang mga establisimiyento sa paligid ng Roxas Boulevard kung saan ang 273 na estero sa buong Metro Manila ay napababayaan din.
Sinabi pa niya sa isang forum, na liban sa pagbabawal sa mga restaurant at gusali sa Manila at Pasay na basta magtapon ng basura at drainage facilities sa Manila Bay, patuloy silang pangaralan at mahigpit na ipatupad ang maayos na waste and water facilities ng mga ito.
Paliwanag ni Tolentino huwag lamang dapat nakatuon ang mga opisyal ng gobyerno sa mga business establishment sa paligid ng Manila Bay gaya ng sa Aristocrat kundi dapat lahat ng mga gusali sa Metro Manila na naglalabas din ng dumi na babagsak din sa bagong linis na bay.
Nanindigan siya na dapat magkaroon ng political will ang mga opisyal ng gobyerno at tutukan ang lahat ng mga estero sa Metro Manila at karatig lalawigan upang tuluyang maiwasan o mabawasan ang dumi na mapupunta sa Manila Bay. PAUL ROLDAN