INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Makati ang sabay-sabay na pagsasagawa ng clean-up drive sa waterways at kalsada sa lungsod upang mapuksa ang mga pinamumugaran ng mga lamok na nagdadala ng nakamamatay na sakit na dengue.
Pinangunahan ng mga tauhan ng barangay, sanitation inspectors, at staff ng Makati Health Department (MHD) ang clean-up drive sa lahat ng 33 barangay sa lungsod.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang buwan ng Hunyo ang idineklarang Dengue Awareness Month dahil ang malimit na pagkalat ng sakit na dengue ay nagaganap sa mga buwan ng Hunyo hanggang Agosto.
Base naman sa huling report na natanggap ng Department of Health (DOH) kamakailan lamang ay nagkaroon ng pagbaba ng bilang ng kaso ng Dengue sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Mayo 7.
Sa datos naman na nakalap ng Epidemiology Bureau (EB) ay nakapagtala ng pagbaba sa kaso ng dengue ng anim na porsiyento mula 27,010 kaso nitong nakaraang taon na bumaba ng 25,268 kaso ng taong kasalukuyan sa parehong kapanahunan.
Noon nakaraang taon ay sinabi ng DOH na bumaba rin ng 81 porsiyento ang kaso ng Dengue at nasawi ng taong 2020 kumpara sa taong 2019.
Napag-alaman din na ang pagbaba ng kaso ng dengue sa bansa ay dahil sa implementasyon ng “Guidelines for the Nationwide Implementation of the Enhanced 4S-Strategy against Dengue, Chikungunya and Zika” kung saan ipinatupad ang mga stratehiyang 1) Pagtukoy at pagsira ng mgas pinamumugaran ng lamok; 2) pagprotekta sa sarili (pagsusuot ng pantalon at long-sleeves na t-shirts, at araw-araw na paggamit ng repellent); 3) maagang pagkonsulta sa doktor; at 4) Pagsuporta sa fogging/spraying lamang sa mga lugar na hot spot upang maiwasan ang pagdami ng nakahahawang sakit lalo na sa panahon ng tag-ulan. MARIVIC FERNANDEZ