CLEANING TIPS

Cleaning

IMPORTANTE ang kalinisan ng lugar na ating ginagalawan. Kung malinis at maayos ang isang lugar sa bahay man o opisina, mas makakikilos tayo. Madali nating magagampanan ang mga nakaatang na gawain. Higit sa lahat, mas mare-relax tayo.

Mahirap nga namang masigurong malinis ang kabuuan ng ating tahanan lalo na at abalang-abala ang marami sa atin sa pagtatrabaho. Ngunit hindi natin puwedeng balewalain ang paglilinis ng ating tahanan dahil nakasalalay rito ang kaligtasan ng ating mahal sa buhay. Kumbaga, kung malinis ang bawat sulok ng tahanan ay mailalayo sa sakit ang ating buong pamilya.

Ngunit kailan nga ba natin dapat na ni­lilinis ang bawat sulok ng ating tahanan? Kung kailan lang ba natin maisipan? O baka kailangang regular o mag-schedule tayo ng araw ng paglilinis?

Abala ang marami sa atin. Pero dahil importanteng nasisiguro nating malinis ang ating buong kabahayan, narito ang ilang cleaning tips na dapat na isaalang-alang:

PAGPAPALIT NG SHEETS

Masarap ang magpahinga sa lugar na alam mong malinis at maba­ngo. Sa buong araw nga namang pagtatrabaho, kailangang makapag-relax tayo nang mabawi ang nawalang lakas.

At isa sa lugar kung saan tayo nakapagpapahinga ay ang ating kuwarto. Kaya naman, mahalagang nasisi­guro natin itong malinis, maayos at komportable.

Kaya naman palitan ng isa o dalawang beses sa isang linggo ang punda, kumot at kobre kama nang maiwasan ang dumi at makapagpahi­ngang mabuti.

PAGLILINIS NG BANYO

Isa rin sa madalas nating ginagamit ang bathroom o banyo. Importante ring napananatili natin itong malinis.

At sa usapang pag­lilinis ng banyo, isang beses sa isang linggo ay kailangang nagagawa ito nang maiwasang maging madulas ang sahig.

I-disinfect din ang toilet at sink ng isang beses sa isang linggo nang masiguro ang kalinisan nito.

Regular ding palitan ang shower curtain.

PUNASAN ANG DOORKNOBS

Isa rin sa madaling marumihan ay ang doorknobs. Ito rin ang madalas nating hinahawakan. Isang beses din sa isang linggo ay kailangang li­nisin ang doorknobs nang maiwasan ang pagkalat ng dumi at pagkakasakit.

PALITAN ANG TUWALYA

Madali ring kapitan ng dumi ang tuwalya. Kaya nararapat lang na nasisiguro nating malinis ito palagi.

Siguraduhin ding natutuyong mabuti ang tuwalya para maiwasan ang pagkapit ng bacteria.

Kaya naman, matapos itong gamitin ay makabubuting ibilad na muna sa arawan nang matuyo at mamatay ang bacteria o duming kumapit sa tuwalya.

Mas madali ring kapitan ng dumi ang kitchen towels kaya’t dapat ay pinapalitan at nilalabhan ito linggo-linggo.

Kung nabasa naman o nadumihan, labhan na kaagad at huwag nang itambak pa dahil lalo lang itong magdudumi.

MADALAS NA PALITAN ANG SPONGE

Marami sa atin ang nagtitipid. At sa kati­piran nga, bago magpalit ng sponge ay sinisigurong sira na ito o hindi na mapakikina-bangan. Nanghihinayang kasing palitan kaagad lalo na kung puwede pa namang magamit.

Ngunit mahalaga ang malinis na sponge dahil ginagamit natin itong panlinis ng mga gamit sa kusina.

Kaya’t madalas na magpalit ng sponge at huwag nang hintaying masira ito.

Puwede rin namang kada dalawang araw ay banlian ang sponge ng mainit o kumukulong tubig nang mamatay ang kumapit na bacteria.

Isipin natin ang kaligtasan at kalinisan nang maiwasan ang pagkakasakit ng buong pamilya. Siguraduhing bawat sulok ng bahay ay malinis. (photos mula sa magnolia.com at hiltontohome.com). CS SALUD

Comments are closed.