CLEANLINESS SA PAGMAMANOK

AYON kay Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp, ang sabong ay may halong kaunting suwerte, at least 25 percent.

Pero mahirap aniyang asahan iyon kaya dapat gawin muna natin ang ating participation, unang-una ‘yung kalinisan ayon sa kanilang pangangailangan.

“Para sa akin, ang malinis na manukan/pagmamanok ay mahirap talunin!” ani Doc Marvin.

“Tingnan n’yo po ‘yung mga nagcha-champion sa World Pitmasters Cup online, lahat sila malinis at nakaayos ang pagmamanok kaya lapitin ng suwerte. Ikaw ang bahala kung nanalo ka nang amosin ang manok at pakalat-kalat ang gamit sa iyong manukan eh ‘di sige ituloy mo lang. Paggising sa umaga at madaming kalat sa paligid ng pinaglalagyan ng manok ay iyan ang hindi ko kaya kasi sira na buong araw. Manok na nga lang ang nagpapaligaya sa araw-araw!” dagdag pa niya.

Kung si Doc Marvin ang tatanungin, kung hindi lang din nakaayos ng ayos na ayos ang mga manok ay mabuti pa na huwag na lang silang ilaban kasi ang hirap ipanalo.

“Kung iyon nga po nakaayos lahat ang manok ay natatalo lalo na siguro kung hindi!” aniya.

“Dapat naman ay nababagay ang halaga ng pera na iyong ipupusta sa hitsura ng manok at hindi po ako pumupusta ng malaki kasi iyan po ay iisang lipad ng manok, baka mauna pa ako mamatay kaysa sa manok!” dagdag pa niya.

Aniya, ang suwerte ay ginagawa iyan at ang manok lamang na super galing ang malapit sa suwerte.

“Kung ano alaga mo sa iyong manok ay iyon lang din ang ibibigay niya sa iyo!”

Ayon pa sa kanya, kritikal ang buhay ng ating mga alagang manok from day 1 pagkapisa hanggang 6 months kaya dapat dito ibinibigay lahat ng supplements na hinahalo sa tubig o sa patuka man.

“Nasa stage siya ng development kaya ‘di dapat nagugutom tulad mo rin ng ikaw ay sanggol pa na mataas ang ating sustansya na kinakailangan ng ating katawan/nutrient requirement,” ani Doc Marvin.

“Mabilis ang kanilang metabolism o pagtutunaw kaya dapat pinapameryenda sila 2 p.m. lalo na ‘yung bagong cord para ‘di bumagsak ang katawan pati na rin ‘yung nasa range area pa. Kung talagang sila ay healthy dapat tunaw na kinain nila 1-2 p.m. kung magpapatuka ka ng 4 p.m.,” dagdag pa niya.

Habang bata pa ang ating mga manok ay dapat doon natin sila palakasin dahil kapag 1 year old o nalugunan na ay ‘di mo na siya puwedeng baguhin, iyon na talaga sya.

“Sa tao man kaya nga dinidisiplina habang bata pa madali pa baguhin/turuan pero kapag matanda na ay mahirap na iayos, ikaw na ang susuwagin nun!” sabi pa niya.