CLEARING OPS SA MABUHAY TULOY-TULOY

Clearing ops

PATULOY  sa pagsasagawa ng clearing operations ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Mabuhay Lanes dahil inaasahan na nila ang mabigat na daloy ng traffic sa mga susunod na linggo.

“Puno na ho ang impounding areas namin pero tuloy-tuloy pa rin ang clearing operations para ho magamit ‘yung Mabuhay Lanes, lalo na ho, maging alternatibong ruta, 20 percent po ang madadagdag sa volume ng sasakyan ngayong October third week, bibigat po ‘yan,” pahayag ni MMDA spokesperson Celine Pialago.

Ayon pa kay Pialago ang mga local executives ay patuloy pa rin ng pagbibigay tulong sa MMDA upang ang Mabuhay Lanes ay maging maayos ang daloy ng traffic sa pamamagitan ng pag-aalis sa  dating polisiya na  payagan ang one-side parking.

Tatlong teams area-area ang pinakakalat ng MMDA para sa pagsagawa ng clearing operations sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

“Ang MMDA tatlong clearing teams po kami. Every day po ‘yan iba-iba ang location. Minsan ho, nagki-clearing ho sa Balintawak, sa South naman ho Baclaran, sa kalagitnaan naman ho sasama tayo sa Pasig,” ani Pialago.

Pahayag pa ni Pialago na ang ibang local government units ay pa­tuloy pa rin sa kanilang ginagawang clearing ope­rations bilang tugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang lahat ng lansangan sa anumang obstruction.

“Ang gusto lang ipakita ng ating local executives na kahit tapos na ang deadline, tuloy-tuloy po sila sa pagke-claim ng primary roads kung tawagin, o ‘yung mga busy streets na kanilang nasasakupan,” pahayag ni Pialago.

Samantala, ang Department of Interior and Local Government ay ina­asahang maglalabas na ng kanilang show cause order laban sa  local government units na hindi nakasunod sa September 29 deadline na paglilinis ng mga pangunahing lansangan na kanilang nasasakupan. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.