CLEARING OPS SA MUNTI TULOY-TULOY

Guillermo Eleazar

TINIYAK  ng  National Capital Region Police Office (NCRPO) na ang clearing operations sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ay magpapatuloy.

Ayon kay NCRPO chief, Major General Guillermo Eleazar, nasa one-fourth pa lang ang kanilang naisasagawang clearing operation sa loob ng NBP.

Pahayag  ni Elea­zar, ang clearing operations sa loob ng NBP ay nagsimula pa noong nakaraang Miyerkoles katuwang nila ang magkasanib na puwersa mula sa Bureau of Correction (BuCor), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Fire Protection at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“This should be continuing, this should be sustained, at hindi natin ititigil kasi nasimulan na natin eh,”pahayag ni Eleazar.

Sinabi naman ni NBP spokesperson Alberto Taipuro na  ang paggiba ng mga “kubol” o ‘di kaya ay mga structure na itinayo ng mga preso sa loob ng kanilang mga selda ay ipagpapatuloy.

Sa nangyaring pagsabog naman sa loob ng naturang piitan noong Biyernes, sinabi ni Taipuro na habang sila ay nagsasagawa ng clearing operation sa NBP 1st Quadrant ay biglang nagkaroon ng pagsabog sa 4th Quadrant.

Sinabi naman ni Eleazar na walang nasaktan sa naturang pagsabog na gamit ang isang improvised explosive device (IED).

“May na-recover pa na dalawa pang granada at blasting caps,” ayon kay Eleazar.

“Inaalam kung ‘yan ay sadya o pa-disgrasya sa mga tao natin o nananakot lang. Hindi po matitinag ang BuCor,”ani Eleazar.

Maaari umanong ang granada ay maaring remotely set off.

“Possible ‘yon. Iniimbestigahan natin. Everything is possible,” ayon kay Eleazar.

Sinabi pa ni Eleazar na ang NCRPO ay magpapatuloy sa pagtulong sa isinasagawang clearing operation na maaring maging malaking tulong upang maresolba ang problema sa droga.

“Pinag-aaralan ko itong campaign natin sa illegal drugs. For the past more than three years, ang dami na nating nahuhuli, more than 90,000 na. Pero bakit nandiyan pa rin ang problema? Most of the transactions, ang direksyon, nasa loob (ng NBP) eh,” pahayag ni Eleazar.

Mareresolba umano  ang problema ng illegal drugs kung tutulong ang NCRPO sa clearing operation.

“Para palang may grocery stores diyan. Isipin mo, ang daming paninda. Mayroon pang freezer, refrigerator, may oven. Saan ka naman nakakita ng gano’n? Magtataka ka pa ba kung nakapasok ang granada, eh kung ‘yung billiard table nga naipasok,” ani Elea­zar. MARIVIC FERNANDEZ