Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hayaan munang mabusisi ng mga eksperto ang sitwasyon ngayon ng pinauwing Pinay na si Mary Jane Veloso.
Sinabi ng Pangulo na maaga pa para pag-usapan ang pagbibigay ng executive clemency kay Veloso na dating nasentensiyahan ng firing squad dahil sa pagdadala ng droga sa bagahe nito, ngunit kalaunan ay naipanalo sa reprieve na hiningi ng Pilipinas.
Malayo pa aniya ang itatakbo ng usaping ito sa ngayon dahil nasa preliminary stage pa lamang ang pagdating ni Veloso sa bansa.
Batid naman niya ang hiling ng pamilya ni Veloso para sa clemency, ngunit maiging mapag-aralan muna nang husto ng legal experts ang sitwasyon.
Wala namang kondisyon na ibinigay ang gobyerno ng Indonesia at ipinauubaya na sa Pilipinas ang pagpapasya.
Si Veloso ay dumating nitong Miyerkoles at idiniretso ito sa Womens Correctional sa Mandaluyong City kung saan siya mananatili.