CLEMENCY KAY VELOSO PAG-AARALAN NI PBBM

“We will see.”

Ito ang tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang tanungin kung may posibilidad na mapagkalooban ng clemency si Mary Jane Veloso na nakatakdang ilipat sa Philippine facility matapos ang ilang taon na pagkakakulong sa Indonesia sa hatol na parusang kamatayan dahil sa  ilegal na droga noong 2010.

Sinabi ng Pangulo na hindi pa maliwanag kung ano ba talaga dahil ito ang unang pagkakataon na nangyari ito sa Pilipinas.

Nauna rito, inanunsyo ng Pangulo na makakauwi na ng Pilipinas si Veloso.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos si Indonesian President Prabowo Subi­anto, at ang Indonesian government sa kanilang kabutihang-loob, at pagpapamalas ng dalawang bansa ng pagtutulungan sa usapin ng hustisya at pagmamalasakit.

Samantala, ang walang humpay na pakikipag-usap at kasunduan batay sa international comittee and courtesy sa Indonesia kaya’t maibabalik na ng bansa si  Veloso.

Iginiit ito ng Department of Justice (DOJ) at hindi dahil sa treaty na mayroon ang Pilipinas at Indonesia.

Maraming admi­nis­tras­yon na umano ang nakiusap sa gobyerno ng Indonesia na mapalaya ang Pinay ngunit ang mga ito ay nabigo.

Ngayong ilipat na si Veloso sa pangangasiwa ng Pilipinas, maililigtas na rin ito sa parusang kamatayan dahil walang death penalty sa bansa.

Inaasahan namang maibabalik sa Pilipinas si Veloso ngayong Dis­yembre.

Labis ang pasasalamat ng pamilya Veloso sa kaganapang ito.