HINIMOK ng mga kongresista ang national government na magpatupad ng mga hakbang para tugunan ang masamang epekto ng nararasanang climate change sa layuning mas maging epektibo ang pagsusulong ng food security program ng bansa.
Ayon kina AGRI partylist Reps. Delphine Gan Lee at Orestes Salon, ito ay bunsod na rin ng naiulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot sa P57.8 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastruktura at agrikultura ng malalakas ng ulan at pagbaha na dulot ng habagat, na pinalakas ng bagyong Karding kamakailan.
Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na sa nabanggit na halaga, nasa P24.3 million ay pinsala sa agrikultura habang sa pananalasa naman ng mga bagyong Henry, Inday at Josie ay P1.6 billion ang halaga ng mga pananim na nasira.
“Records from the DA-Disaster and Risk Reduction Management Operation Center showed that at least 95,246 hectares of rice fields or about 19,892 metric tons of rice and 51,678 farmers in Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa and Western Visayas were affected.” dagdag pa ng dalawang mambabatas.
Bukod sa sakahan, sinabi ni Lee na 1,050 mangingisda, karamihan sa mga ito ay nasa Cordilleras, Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon, ang naapektuhan ang kabuhayan at may katumbas itong halaga na P147 million.
“We have to do something beyond extending aid to farmers and fisher folk whose livelihoods are affected after every calamity, which is unsustainable,” apela ni Salon.
Iginiit nila na bilang pagturing sa Filipinas na ikalima sa hanay ng mga bansa na grabeng naapektuhan ng climate change, kinakailangang magkaroon ng mga hakbang at programa para labanan ang masamang epekto sa pagbabago ng panahon.
Nauna rito, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 6923, na naglalayong palakasin ang Philippine Crop Insurance Company (PCIC), isang government-owned and controlled corporation (GOCC) at attached-agency ng DA.
Sa ilalim ng naturang panukalang batas, na pangunahing iniakda nina Gan at Salon, ay itinatakda ang pagkakaroon ng P5 billion hanggang sa P10 billion na crop insurance fund ng PCIC para masigurong mayroong itong kakayahan at mabilis na makatutugon sa pagbibigay tulong sa mga magsasaka at mangingisda na naging biktima ng kalamidad kung saan apektado ang kabuhayan, maging ang produksiyon ng mga ito.
Bukod dito, iminungkahi rin ng AGRI partylist lawmakers na palakasin ang programa sa pagbibigay ng mga binhi o pananim na ‘typhoon resistant’ at ang pagkakaroon ng iba’t ibang imprastraktura na magbibigay-proteksiyon sa agriculture sector. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.