“CLIMATE RESILIENT“ FARM EQUIPMENT ISUSULONG

Magsasagawa ng hakbang ang pamahalaan na magsusulong ng pagkakaroon ng mga “climate-resilient” agricultural equipment na maaaring umubrang magamit kahit sa panahon ng kalamidad o ang pabago bagong panahon bunga ng climate change.

Ito ang ipinahayag ni Marcos sa isinagawang pamamahagi ng pamahalaan ng P50 million financial assistance na pinangunahan nito sa mga magsasaka sa Pangasinan na naapektuhan ng sunod sunod na bagyo.

“The government is working tirelessly to develop agricultural equipment capable of withstanding climate change impact…Sa ating mga magsasakang labis din na naapektuhan ng nakaraang sakuna, patuloy tayong [lumilikha] – kasama ng mga siyentipiko – ng makabagong kagamitan sa pagsasaka na matibay at angkop sa pabago-bagong panahon,” sabi ni Marcos.

Tiniyak din ni Marcos na may sapat na buffer seeds at iba pang uri ng tulong at suporta ang pamahalaan sa kanilang pagbangon.

Inatasan din ng Pangulo ang Department of Agriculture (DA) na ma­kipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang matiyak na maipapaabot kaagad ang maayos na kinakailangang tulong ng mga magsasaka upang makaba­ngon ang mga ito.

“Mga kababayan, ang laban na ito ay laban nating lahat. Hindi kayang harapin ng pamahalaan ang hamong ito nang nag-iisa. Naniniwala ako na, sa pakikipag-kapwa at pagtulong ng bawat Pilipino na sabay-sabay at kapit-bisig ay magtatagumpay din tayo.Sama-sama nating itayo ang isang Bagong Pilipinas na mas ligtas, mas handa, mas maunlad – isang bansang may malasakit, pakikipagkapwa at pagkakaisa,” sabi pa nito.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia